Sige pa Pangulong Duterte (Una sa Serye)

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

MARAMING nagagalit at bumabatikos kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, dahil sa sunud-sunod na birada niya sa Estados Unidos ng Amerika.

Sabi ng iba, mali si Duterte.

Sabi naman ng iba pa, sobra naman si Duterte at pati ang Amerika ay binibira na.

Para sa akin, wasto ang ginawa ni Pangulong Duterte.

Kung tutuusin, matagal nang dapat inupakan at siningil ang Amerika sa mga krimeng nagawa nito sa Pilipinas at mamamayang Pilipino.

Hindi ko alam kung ano ang tindig ng mga bumabatikos sa ginawa ni Duterte laban sa Amerika – kung sila ba ay maka-Amerika, o kontra-Amerika.

Ako, kontra sa pakikialam ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Tutol ako sa patuloy na pagmamaliit ng Amerika sa Pilipinas.

Kaya, pabor na pabor ako sa ginawa ni Duterte.

Kung alam lamang natin ang kasaysayan ng Pilipinas, si Duterte pa lamang ang bumatikos sa Amerika simula kay Heneral Emilio Aguinaldo.

Si Duterte pa lamang ang Pangulo ng Pilipinas na nagdiin sa pangmamasaker ng mga sundalong Amerikano sa mga Pilipino, kabilang na ang mga Moro noong 1906 sa Sulu.

Siya pa lamang ang nagsabing hindi pa humingi ng tawad ang Estados Unidos ng Amerika sa Pilipinas at mga Pilipino sa mga nagawa nitong pamamaslang ng napakaraming Pilipino.

Nang maging Pangulo si Aguinaldo noong 1898 hanggang sa maitayo ang unang Republika ng Pilipinas noong Enero 1899, pumayag si Aguinaldo na salubungin at tanggapin ang pakikialam ng Amerika sa Pilipinas kapalit sa Espanya.

Ang pangkat ni Pedro A. Paterno ang nangumbinsi kay Aguinaldo na tanggapin ang Amerika bilang bagong ‘amo’ ng Pilipinas, sapagkat ‘bagsak’ at mahina na ang Espanya.

Pumayag si Aguinaldo, kaya tinanggal niya si Apolinario Mabini sa Gabinete nito.

Naging miyembro si Paterno ng administrasyon ni Aguinaldo.

Si Paterno ay sagad-saring maka-Espanya.

Siya nga ang nagsilbing ‘broker’ ng usapang pangkapayapaan ng administrasyong Aguinaldo (Republika ng Biak-na-Bato) at administrasyong Rivera na nauwi sa pagtungo ng tropa ni Aguinaldo sa Hong Kong kapalit ang mahigit P1 Milyon (pero P400,000 ang unang bayad ng administrasyong Rivera).

Oportunista itong si Paterno, kaya nang mapagtanto nitong Amerika na ang susunod na kokontrol sa Pilipinas, kumampi agad si Paterno sa Amerika.

Inilaglag ni Aguinaldo si Mabini dahil kontra ito sa Amerika.

Si Mabini ang punong taga-payo ni Aguinaldo at kalihim ng Department of Foreign Affairs (DAF).

Habang pangulo si Aguinaldo, hindi niya siningil ang Amerika kahit tambak ang ebidensya na niloko ng Amerika ang Pilipinas sa pagsuko ng Espanya noong Agosto 1898.

Sinadya ang pamimeke ni George Dewey sa pagsuko ng Espanya upang matiyak ng Amerika na sila ang kokontrol sa Pilipinas simula Agosto 1898.

Nanahimik din si Aguinaldo nang ibenta ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika sa halagang $20 Milyon (Treaty of Paris).

Sina Manuel L. Quezon at Sergio Osmena na naglunsad ng kanya-kanyang misyon sa Kongreso ng Estados Unidos upang makamit ang kalayaan ng Amerika at parehong naging Pangulo ng Pamahalaang Commonwealth ay hindi binatikos ang Amerika kahit napakaraming Pilipino ang mga pinatay ng mga sundalong Amerikano, kabilang na sinasabi ni Duterte na Balangiga masaker noong 1901 at Bud Dajo Masaker noong 1906.

Katunayan, parehong naglingkod sina Quezon at Osmena nang tapat at walang pag-iimbot sa Amerika.

Kahit si Manuel A. Roxas, ang lolo ni Manuel “Mar” Roxas II, na naging ikatlo at huling Pangulo ng Pamahalaang Commonwealth at unang Pangulo ng ikatlong Republika ng Pilipinas ay wala ring ipinag-iba.

Ngunit mas masahol si Roxas (Abangan sa susunod kung bakit).

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like