Sige pa Pangulong Duterte (Ikatlo sa Serye)

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

ANG totoo nagulat ako sa serye ng pag-upak ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Estados Unidos ng Amerika, sapagkat noong kampanya para sa magkasamang pambansa at lokal na halalan nitong Mayo 9 ay walang nabanggit ang noo’y kandidatong Duterte laban sa Amerika.

Hindi sinabi ni Duterte sa mga botanteng Pilipino na kapag ako ang naging Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay “hindi ko titigilan ang pagbira sa Amerika hanggang magkaroon ang Pilipinas ng malayang polisiya sa pakikipagrelasyon sa mga bansa, lalo na sa Estados Unidos.”

Hindi rin ipinangako ni Duterte sa mga botante na kapag nanalo at nakaupo na siyang Pangulo ay hihiyain niya si Pangulong Barrack Obama sa pulong ng mga Aseanong bansa, sa pamamagitan ng paglalabas ng litrato ng pagpaslang ng mga sundalong Amerikano sa mahigit 1,000 mga Moro, kabilang ang  kababaihan at mga bata sa Jolo, Sulu.

Ang tinutukoy ko ay ang naganap sa Jolo noong Marso, 1906 na nakilala sa kasaysayan na Bud Dajo Massacre.

Bakit hindi niya sinabi?

Hindi naman kasi tinatanong ng mga naglulunsad ng debate, kabilang na ng Commission on Election (Comelec), kung ano ang tindig ng kandidato ng relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos—kung pabor ba siya sa Amerika, o hindi.

Marahil, ang nasa isip ng mga nagpapadebate at ng Comelec ay maka-Amerika ang mga kandidato.

Hindi ko rin naman masisisi ang mga ito, sapagkat simula noong itayo ang Pamahalaang Commonwealth noong 1935 hanggang Ikatlong Republika ng Pilipinas noong 1946 hanggang noong halalang 2010 kung saan nanalo si Senador Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay walang naglakas-loob sa mga pulitikong naging Pangulo na batikusin ang Amerika.

Nang maging Pangulo na si Duterte, idiniin nito na hindi pa humingi ng paumanhin ang Amerika sa Pilipinas at mga Pilipino.

Si Duterte lamang ang Pangulo na nagpaalala sa Amerika sa karumaldumal na krimen na naganap noong 1906 sa Jolo.

Hindi natakot, o nagdalawang isip, si Duterte na gawin ito kahit alam niyang pinakamakapangyarihang bansa at notoryus sa buong daigdig pagdating sa pananakop ng mga maliliit at mahihinang  bansa ang binabangga niya.

Hindi pa nakontento sa Bud Dajo Massacrre, isinapubliko at ipinaalala rin ni Duterte ang pangmamasaker sa mga Pilipino sa Balangiga, Eastern Samar ng mga sundalong Amerikano noong 1901.

Napakaraming namatay na mga Blangigan-on, maliban sa 10-taong-gulang pababa, sa utos ni Gen. Jacob Smith.

Ang utos ni Smith ay pagganti sa mga Pilipino makaraang lusubin ng mga Balangigan-on ang himpilan ng sundalong Amerikano sa Balangiga na nauwi sa pagkamatay ng maraming sundalong Amerikano.

Ginawa ito ng mga Balangigan-on, sapagkat labis-labis na ang pang-aapi at pananamtala ng mga Amerikano sa mga Pilipino na kung umasta ay akala mong pag-aari nila ang Pilipinas noong mga panahong iyon.

Sabi ni Duterte, hindi rin humingi ng tawad ang Amerika at hindi nito inako ang nagawang krimen.

Simula kay Manuel L. Quezon hanggang kay Aquino III ay walang Pangulo ng bansa ang nagpaalala at naningil sa Amerika.

Si Duterte lamang.

Kahit si Dr. Jose P. Laurel na naging Pangulo ng ikalawang Republika ng Pilipinas na itinayo ng Japan nang sakupin at kontrolin nito ang Pilipinas mula 1942 hanggang 1945 ay hindi rin nagawang batikusin ang Estados Unidos ng Amerika sa mga nagawa nitong krimen, gayong maaaring gawin ito ni Laurel dahil sa para siyang nakasandal sa pader noong panahon ng Hapon sa bansa.

Kung babaybayin natin ang  kasaysayan, lahat ng mga naging Pangulo ng bansa ay maka-Amerika.

Kahit si Carlos P. Garcia na nagdeklara ng patakarang “Una ang Pilipino” nang maging Pangulo noong 1958 ay pabor na pabor din sa Amerika.

Kahit na siya ay nagdeklara ng animoy maka-Pilipinong polisiya sa larangan ng pagkilala sa mga produktong gawa ng mga Pilipino kaysa sa gawang Amerikano, sagad-saring maka-Amerika si Garcia.

Kaya lang naman hinarang ng Estados Unidos, sa pamamagitan ng Central Intelligence Agency (CIA), si Garcia upang umupo pa sa ikalawang termino (4 na taon) ay dahil dismayadong-dismayado ang Estados Unidos sa mga kapalpakan nito habang nakaupo sa Malakanyang.

Mas pinili ng Amerika si Bise-Presidente Diosdado Macapagal ng Liberal Party (LP) kaysa kay Garcia ng Nacionalista Party (NP) noong eleksyong pangpangulo noong 1962.

Hindi binangga nang todo ni Macapagal ang Amerika nang siya na ang Pangulo, sapagkat gusto niyang maging Pangulo hanggang 1969 (ikalawang termino sana mula 1965).

Ngunit, napikon at nasaktan ang Amerika sa paglipat ni Macapagal sa pagdiriwang ng araw ng Kasarinlan ng Pilipinas mula Hulyo 4 patungo sa Hunyo 12.

Ang Hulyo 4 ay ang araw ng opisyal na pagkakatayo ng Amerika sa ikatlong Republika ng Pilipinas noong 1946.

Si Manuel A. Roxas, ang ikatlo at huling Pangulo ng Pamahalaang Commonwealth, ang siya na ring naging unang Pangulo ng nasabing Republika.

Ang Hunyo 12, 1898 naman ay ang araw kung saan idineklara ni Pangulong Emilio F. Aguinaldo ang araw ng Kasarinlan ng Pilipinas mula sa mga imperyong Kastila.

Nang palitan ni Macapagal, ang Hulyo 4 ay naging “US-PH Friendship Day.”

Naniniwala akong napakahalaga sa Amerika ang Hulyo 4, sapagkat petsa ito sa  kanilang ‘pormal’ na pagbibigay ng kasarinlan sa Pilipinas at pagtatayo ng porma ng pamahalaang halos kopya sa pamahalaan ng Estados Unidos.

Nasa kultura at dugo ng mga Amerikano ang pagbibigay halaga sa numero.

Para sa kanila, napakahalagang bagay ang numero, kaya nga karamihan ng pangalan ng mga kalye sa Amerika, kung hindi man lahat, ay numero ang tawag (halimbawa 123 Street).

Bumawi si Macapagal nang maramdaman niyang masama ang loob ng Amerika sa kanya.

Itinali ni Macapagal ang piso ng Pilipinas sa dolyar ng Amerika.

Mula noon, hindi na nakalaya na ang piso sa pagkakatali nito sa dolyar ng Estados Unidos.

Gustong-gusto ito ng Amerika, ngunit hindi napabilib at nakumbinsi ni Macapagal ang Amerika.

Kaya, noong 1965 ay nanalo si Senate President Ferdinand E. Marcos (lumipat ng NP mula LP) laban kay Macapagal (LP).

Sinuportahan at aktibong tinulungan ng Amerika, sa pamamagitan ng CIA, si Marcos, kaya tinambakan ng huli si Macapagal sa eleksyon.

Simple lang naman ang gusto ng Estados Unidos, kahit isa ka nang malayang bansa ay dapat sumunod ka pa rin sa mga gusto at kapritso niya.

Naniniwala ako na ang ginagawa ni Duterte ay hindi simpleng pagpapalundag sa Amerika, kundi hangad niyang magkaroon na ng malayang polisiya ang Pilipinas sa pakikipagrelasyon sa Estados Unidos.

Pinaka-mahalaga rito ay ang pagkakaroon ng paggalang sa isa’t isa at hindi pandidikta at paghari-harian sa bansa ng mga Pilipino.

Ganito lang kasimple ang punto ni Duterte sa Amerika: ‘Magkaibigan tayo, pero huwag mo naman akong utus-utusan, utu-utuin, at pasunurin kung ano ang gusto mo, sapagkat ang ganitong klase ng relasyon ay hindi pagkakaibigan, kundi pananarantado sa aking bansa at mga Pilipino.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like