Sige pa Pangulong Duterte (ikaapat sa serye)

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

“HINDI ako tuta ng Amerika.”

Minsan itong idineklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na alam nating lahat na totoo, sapagkat talagang ayaw niya na dinidiktahan siya kahit ng Pangulo ng Estados Unidos ng Amerika, pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig.

Sabi nga ni Duterte kay Pangulong Barrack Obama, “who are you” makaraang pagsabihan ng Pangulo ng Amerika ang Presidente ng Pilipinas na kilalanin ang karapatang pantao sa pagsusulong ng kampanya laban sa iligal na droga sa Pilipinas.

Inihayag ni Obama ang kanyang ‘lektyur’ kay Duterte sa pamamagitan ng media.

Ang sagot ni Duterte ay nasa ganitong mensahe: “Pangulo ako ng Pilipinas, didiktahan mo ako. Hindi tama. Siguro noong mayor pa ako ng Davao City, puwede ‘yon dahil alkalde lang ako ng maliit na syudad sa Mindanao. Pero, ngayon ay presidente na ako, kaya hindi puwedeng diktahan ako.”

Ang punto lamang ni Duterte ay paggalang ng pinuno ng isang bansa sa isa pang pinuno kahit pa ang pinunong ito ay mula sa maliit na bansa, tulad ng Pilipinas.

Nangangahulugan lamang na hindi porke maliit na bansa ang Pilipinas at pinakamakapangyarihan at pinakamaimpluwensyang bansa ang Estados Unidos ng Amerika ay maaari na nitong gawin ang lahat ng kanyang naisin laban sa kahit anong bansa.

Nasanay kasing ganito ang mga lider ng Amerika—na biglang naglalabas ng posisyon ang Pangulo nito sa pamamagitan ng media—na mayroong pailalim na layunin na sundin ang pahayag ng nasabing Pangulo.

Kung babaybayin natin ang kasaysayan, napakaraming patunay na praktis ng Pangulo ng Amerika sa lahat ng bansa na maglabas ito ng posisyon niya sa anumang putok na isyu.

At sa pahayag na ito ay umaasa ang Pangulo ng Amerika, tulad ni Obama na hindi lamang siya pakikinggan kundi susundin kaagad.

Ganyan kaarogante ang Estados Unidos, tulad ng madalas nitong gawin sa mga bansa sa Gitnang Silangan.

Ngunit, kapag pinag-aralan mo nang husto ay madidiskubreng bilyun-bilyong dolyar ang hinahabol na interes ng Amerika.

Arogante kasi ang Amerika, simula nang maging makapangyarihang bansa ito matapos magapi ang Kastila sa digmaang pandaigdig noong pagtatapos ng ika-19 na Siglo.

Bahagi ang Pilipinas sa pagkakasilang ng Amerika bilang pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig.

Kaya, lahat ng naging Pangulo ng Pilipinas simula kay Emilio Aguinaldo ay walang nagawa kundi kilalanin, sundin, at manilbihan bilang tuta ang Pilipinas ng Estados Unidos ng Amerika.

Noong Pangulo si Aguinaldo, pumayag siya sa kahilingan ng pangkat ni Pedro A. Paterno na kumampi sa Amerika, sapagkat ito na ang hari ng mga bansa sa pagpasok ng ika-20 Siglo.

Walang nagawa si Aguinaldo kundi bumigay sa pangungulit ng pangkat ni Paterno.

Sinibak ni Aguinaldo si Apolinario Mabini bilang taga-payo at kalihim ng kagawaran ng pandaigdigang pakikipagrelasyon, sapagkat kontra Estados Unidos si Mabini.

Pumalit si Paterno sa puwesto ni Mabini, sapagkat si Paterno ay sagad-saring maka-Amerikano.

Ilang araw matapos madakip si Aguinaldo sa Isabela noong 1901, tahasan siyang nanawagan sa mga Pilipino na kilalanin at suportahan ang Amerika.

Kahit sina Manuel L. Quezon at Sergio Osmena ay walang dapat ipagmalaki, sapagkat ang ipinaglalaban nila noon na kalayaan ng Pilipinas mula sa Amerika ay nakatali sa pangarap nilang maging mga Pangulo ng Pilipinas, lalung-lalo na si Quezon na hindi pinakawalan ang kanyang pangarap, kaya hindi siya pumayag na hindi siya ang magiging unang Pangulo ng Pamahalaang Commonwealth sa nakatakdang pagtatayo nito noong 1935.

Ginawa ni Quezon ang lahat, ultimong ang maghanap ng padrino sa US Congress.

Nagtagumpay sina Quezon na mapapayag ang Amerika na itatag ang Pamahalaang Commonwealth bilang transisyunal na pamahalaan ng bansa hanggang maitayo ang Republika ng Pilipinas na kamukha sa pamahalaan ng Amerika ang operasyon, maliban sa aaspeto ng federalismo, sapagkat hindi pa kaya ng bansa noon ang nasabing konsepto, ngunit hindi maaaring batikusin ng mga lider sa pamahalaan at mga politikong Pilipino ang Amerika.

Pumayag ang pangkat ni Quezon, dahil ang mahalaga noon ay maitayo ang Pamahalaang Commonwealth na may kasiguraduhang si Quezon ang unang Pangulo.

Walang ipinagbago ang kasaysayan pagkaraan ng mahigit isang dekada.

Itinayo ang ikatlong Republika ng Pilipinas kung saan ang dalawang pangunahing lider nito na sina Manuel Roxas, bilang Pangulo, at Elpidio Quirino, bilang Pangalawang Pangulo, ay pawang mga sagad-saring maka-Amerikano.

Kung ano ang gusto ng Amerika iyon ang ginagawa nila.

Hindi binatikos, o tinutulan man lang, ni Roxas ang kagusutuhan ng Amerika sa Pilipinas.

Katunayan, bilang Pangulo ng Pilipinas ay lantaran at todo-todong hinimok ni Roxas ang mga Pilipino na kilalanin at suportahan nang todo ang Estados Unidos ng Amerika.

Nang maging Pangulo si Quirino, literal na kaparehas ni Roxas, Quezon, at Osmena ang ginawa niya.

Sagad-saring pabor sa Estados Unidos ang mga desisyon at ginawa niya.

Kaya, walang dapat ipagmalaki ang kanilang mga angkan at mga historyador sa nagawa ng mga dating Pangulo para sa Pilipinas.

Wala sa kanila ang malakas ang loob at nanindigang hindi sila tuta ng Amerika.

Kahit walang maituturing na kabayanihan, isa sa kanila (Quirino) ay inilibing pa sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) nitong Marso 2016.

Tanging si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang may lakas- loob at batayan upang ihayag sa mamamayang Pilipino na siya ay gindi tuta ng Amerika.

Nang idiniin ni Duterte na hindi siya tuta ng Amerika, kumbinsido ako dahil kitang-kita naman ang walang patid na pambabatikos niya sa Amerika.

Hindi natakot si Duterte, kahit alam niyang maaari siyang alisin sa puwesto anumang oras, o di kaya, ipapatay ng Pangulo ng Amerika, sa pamamagitan ng Central Intelligence Agency (CIA), na ginawa na nila sa maraming Pangulo ng iba’t ibang bansa na kumakalaban sa kanila.

Alam ‘yan ni Duterte na ayon sa kanya ay handa siya anumang oras na ikasa ito ng Amerika.

Ginawa ni Duterte ang pambabatikos sa Estados Unidos, sapagkat gusto niyang mabago na ang anyo, esensya, at layunin ng pakikipagrelasyon ng Pilipinas sa ibang bansa, kasama ang Estados Unidos ng Amerika.

Walang problema sa pakikipag-kaibigan ng Pilipinas sa ibang bansa, kahit sa Estadoss Unidos, o Tsina, dahil ito naman ang nararapat.

Ang hindi lang gusto ni Duterte ay gawing tuta, laruan, o bola ang Pilipinas ng anumang bansa, kabilang na ang Amerika.

Kapag tuta kasi, kayang ipagawa kahit anong gustuhin ng amo.

Kung laruan naman, kikilos ang Pilipinas anuman ang ipagawa ng Amerika, dahil walang laban ang laruan sa ginagawa ng may-ari nito.

Kung gusto ng may-ari na ihagis ang laruan, o ibato sa bangin, ay maaari itong maganap, sapagkat walang buhay ang laruan.

Kung bola naman, kawang-kawawa ang Pilipinas dahil tatalbog ito nang tatalbog dahil sa walang humpay na pagpalo ng kamay ng may-ari ng bola sa bola.

Sa madaling salita, api ang Pilipinas, sapagkat kontrolado ito ng makapangyarihang bansa.

Ayaw ni Duterte ang ganyan.

Iyong mga Pangulo sa nakalipas na panahon ay hindi nagsalita laban sa Estados Unidos ng Amerika, dahil sa labis na takot na baka sila’y mapatalsik sa puwesto kapag kinanti nila ang Amerika.

Takot silang mawalan ng kapangyarihan.

Takot silang mapatalsik mula sa Malakanyang.

Si Duterte ay hindi takot, kaya wala siyang takot na batikusin nang batikusin ang Amerika, o kastiguhin nang kastiguhin, ito dahil sa rami ng mga pagkakamali at krimeng nagawa sa mga Pilipino at Pilipinas.

Kaya, ang tawag ng mga naging Pangulo ng Pilipinas, kabilang na si Fidel V. Ramos, sa Amerika ay “matalik na kaibigan” ng Pilipinas.

Kumbinsido silang dapat manatili ang matagal nang ‘magandang relasyon’ at ‘mahusay na pagkakakaibigan’ ng dalawang bansa, sapagkat napakalayo na ng pinagsamahan ng dalawa.

Pero, iba kay Duterte, dahil ang gusto niya ay hindi ginagawang uto-uto ang Pilipinas ng kahit sinumang bansa, lalo na ng Amerika.

Kung babalikan natin ang kasaysayan mula nang itatag ang unang Republika ng Pilipinas noong Enero 1899 sa pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo hanggang kay Manuel Luis Quezon hanggang kay Manuel Roxas hanggang kay Corazon Cojuangco Aquino at anak nitong si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay pawang mga umiidulo sa Estados Unidos ng Amerika.

Kaya, kahit sino sa kanila, lalo na si Roxas, Magsaysay, Cory Aquino, Fidel V. Ramos, at Noynoy Aquino ay pawang mga tuta ng Amerika.

Kahit isa sa kanila ay hindi naningil sa mga ginawa ng Amerika sa Pilipinas.

Tanging si Duterte lamang ang bumatikos at naningil nang todo-todo laban sa Amerika.

Pati ang nagawa ng Amerika na masaker sa mga Pilipino noong 1900s ay binalikan niya upang ipaalala at ipamukha sa Estados Unidos ang istorikal nitong ginawa upang  patunayang siya ang hari sa daigdig—na kaya nitong pumatay at pagkatapos ay kilalaning matalik na kaibigan ng bansang ginawa niyang tuta simula noong Agosto 14,1898.

Dapat ganyan nga ang Pangulo ng Pilipinas.

Ang gusto kasi ni Duterte ay magkaroon tayo ng malayang patakaran sa pakikipagrelasyon sa ibang bansa.

Ang pakikipagrelasyong ito ay nakabatay sa paggalang sa isa’t isa.

Hindi iyong pagkakaibigan na nakatuntong sa puwedeng utusan ng Estados Unidos ng Amerika ang Pilipinas.

Ang problema, paano kung hindi na Pangulo ng bansa si Duterte?

Balik ba uli ang Amerika sa pandidikta at pambabalasubas sa Pilipinas?

Walang problema kung ang susunod na Pangulo sa 2022 ay makabayan at walang takot na ideklarang siya ay hindi tuta ng Amerika.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like