Sige pa Pangulong Duterte (huling bahagi sa limang-bahagi ng paksang ito)

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

NAGSAYANG ng oportunidad ang Communist Party of the Philippines (CPP) at iba pang organisasyong tutol sa ‘imperyalistang’ Estados Unidos ng Amerika.

Ang imperyalismo, ayon sa turo ni Vladimir Lenin, ay ang pinakamataas na yugto ng sistemang kapitalismo.

Mabangis at nakakatakot ang imperyalismo, sapagkat ang hangad nito ay ikalat ang kapitalismo sa buong daigdig.

Sa gayon, ang nasakop na mga bansa, o kung hindi man ay iyong naiimpluwensyahang bansa, ng imperyalistang bansa tulad ng Estados Unidos ay kapitalismo ang sistemang kinikilala, pinaiiral, at isinusulong.

Kapag sinabing kapitalismo, pinagsasamantalahan nito ang mga manggagawa.

Binibigyan ng hanap-buhay ang mga manggagawa, ngunit halos 90 porsyentong kita ng kapitalista mula sa ginawa at pinaghirapan ng mga manggagawa ay kinabig ng iilang kapitalista.

Pinagtatrabaho nang husto ng mga kapitalista ang mga manggagawa, ngunit napakaliit ang biyayang nakukuha ng manggagawa na nasa porma ng “minimum na sahod.”

Ngunit, ang minimum na ito ay hindi pa tinutupad tulad ng matagal nang umiiral sa Pilipinas.

Palihim na pinasok ng Amerika ang Pilipinas noong Mayo 1, 1898 sa pamumuno ni George Dewey.

Agresibong tinalo ng mga sundalong Amerikano ang imperyo ng Kastila dito sa Pilipinas.

Eksaktong Agosto 13,1898 naganap ang pinagkasunduan ng tropa ni Dewey at ng pamahalaan ng Kastila sa Pilipinas ang huwad na engkuwentro ng dalawang kampo sa harapan ng Manila Hotel.

Matapos ang huwad na barilan, sumuko ang Kastila sa Amerika.

Kinabukasan, isinapubliko ni Dewey na ang Pilipinas ay pinamamahalaan na pamahalaang militar ng Estados Unidos ng Amerika.

Galak na galak ang pamahalaang Amerika na pinamumunuan noon ni Pangulong William McKinley, sapagkat kasama ang pananakop sa Pilipinas sa pang-aagaw ng Amerika sa Kastila ang kontrol sa malaking bahagi ng daigdig.

Syempre, hindi awtomatikong naging kapitalistang bansa ang Pilipinas, ngunit itinuturo na nila sa mga negosyanteng Pilipino kung paano magiging mahusay na kapitalista (kung paano pagsasamantalahan ang mga manggagawa upang kumita nang napakalaki).

Kumbinsidong-kumbinsido ang CPP na pinamumunuan ni Jose Ma. Sison at iba pang maka-kaliwang organisasyon na isa ang imperyalismo sa ugat ng napakaraming suliranin sa Pilipinas.

Nang pamunuan ni Sison ang pangkat ng mga intelektuwal na mga batang komunista ang pagkalas sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) upang itatag ang CPP noong Disyembre 26, 1968, idiin ng bagong partido komunista sa mamamayang Pilipino na isa ang imperyalismo sa mga ugat ng mga suliranin sa Pilipinas.

Isa sa mga ligal na organisasyon noon na ginamit ng CPP sa pagpapakalat hinggil sa papel ng imperyalismo sa Pilipinas ay ang Kabataang Makabayan (KM).

Imperyalismo ang dahilan kung bakit “malapyudal at malakolonyal” ang Pilipinas noon hanggang bago dumating ang ika-20 Siglo.

Ang dalawang iba pa ay ang “burukrata-kapitalismo” at “pyudalismo.”

Sa pagsasabing perwisyo ang imperyalismo sa Pilipinas, walang ibang tinutukoy na kalaban kundi ang Estados Unidos ng Amerika.

Kahit na pormal nitong ipinasa sa mga politikong Pilipino ang pamumuno ng bansa at pamamahala ng burukrasya noong Hulyo 4,1946, hindi maipagkakailang patuloy na “inimpluwensyahan” ng pamahalaan ng Amerika ang pamahalaan ng Pilipinas.

Kumbinsido si Pangulong Rodrigo Duterte na ganyan ang ginawa at patuloy na ginagawa ng Amerika sa matagal na panahon sa Pilipinas.

Nakagugulat, sapagkat mula kay Emilio Aguinaldo ay siya lamang ang naging Pangulo ng bansa ang lubos na naniniwalang ang Estados Unidos ay dinidiktahan at pinakikialaman ang Republika ng Pilipinas.

Kaya, hindi tinantanan ni Duterte na batikusin ang Amerika, partikular si Pangulong Barrack Obama na hayagang naglekytur sa kanya hinggil sa paggalang sa karapatang pantao habang isinusulong ang madugong kampanya laban sa iligal na droga sa Pilipinas.

Si Duterte lamang ang naglakas-loob na birahin ang Amerika, ang pinaka-makapangrihang bansa at pangunahing taga-pagtanggol at taga-pagsulong ng imperyalismo sa daigdig.

Hindi siya nagdalawang-isip at umatras kahit nababanas na ang mga kapitalistang Pilipino sa ginagawa niya.

Hindi siya tumigil kahit na naiinis na ang mga maka-Amerikanong historyador sa kanyang pambabatikos sa Amerika.

Nanindigan si Duterte na dapat nang magwakas ang pandidikta ng pamahalaan ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Kahit ganito, nanatili ang lakas ng ekonomya ng Pilipinas, sapagkat mahuhusay ang mga ekonomista ng pamahalaan sa pagpapatibay ng kapitalismo sa Pilipinas.

Napakagandang pagkakataon, ngunit nagpabaya ang CPP at iba pang organisasyong tumututol sa pakiki-alam ng Estados Unidos.

Hinayaan nila si Duterte na bumanat nang bumanat sa Amerika.

Hindi sila nanawagan, partikular si Sison, sa mamamayang Pilipino na suportahan ang desisyon at aksyon ni Duterte laban sa Amerika.

Hindi pinangunahan ng CPP ang pagkilos ng mamamayan laban sa Estados Unidos.

Hindi naglunsad ng serye ng protesta ang mga organisasyon nito tulad ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno (KMU), League of Filipino Students (LFS), at iba pa.

Pumalpak na naman ang CPP na pamunuan ang kilusan at mamamayang Pilipino laban sa Estados Unidos.

Ilang  beses na bang palpak ang CPP?

Ilang ulit na bang “taga-masid” na lamang ang papel ng CPP sa mga nangyayari sa Pilipinas.

Masyado kasing nakapokus at nakatali sa usapang pangkapayaan ang CPP ni Sison na lumalabas tuloy na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP at pamahalaan ng Pilipinas ang siyang “pangunahing porma ng pakikibaka” ng CPP.

Hindi kaya totoo ang balita na maliit na lamang ang puwersa ng CPP sa lihim at mga ligal nitong organisasyon, kaya hindi na nagawang pagtuunan ng pansin ng CPP ni Sison ang anti-Amerikang pakikibaka?

At ang maliit na puwersa ng CPP na tahasang naniniwala pa rin kay Sison ay hati-hati pa?

Ibig sabihin, marami nang punto silang hindi pinagkakasunduan at pinagkakaisahan.

Ngunit, hindi makakilos si Sison at makapagpasya ang pamunuan ng CPP na ipapatay ang mga tumututol at hindi sumusunod sa kanilang pangkat, sapagkat kapag pinuwersa nilang pasunurin ang mga kadreng ‘matitigas ang ulo’ ay posibleng tuluyan nang mahati at wala nang patunguhan ang CPP.

Mapalad si Sison noong 1993 hanggang pataas nang bahagya, sapagkat malakas pa ang suporta niya at marami pang naniniwala sa kanya, kaya balewala sa nakararaming kasapi ng pambansa-demokratikong kilusan kung pinapatay ng pamunuan ng CPP ang mga beteranong kadre ng CPP tulad nina Romulo Kintanar at Filemon Lagman.

Sayang talaga ang oportunidad upang isulong ang pakikibaka laban sa imperyalismo.

Kaya nga malaking usapin para sa akin ang pagiging anti-Amerikano ni Pangulong Duterte.

Para sa akin, isang napakagandang pagkakataon na ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas ay tutol sa imperyalismo.

Kaya nga, sa bahagi ko ay  sinusuportahan ko si Pangulong Duterte, upang mayroon akong kongkretong partisipasyon laban sa imperyalismo kahit sa pamamagitan ng kolum na ito!!!

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like