Si Mark Solis at ang mga baboy sa Kongreso

vol 1 no 17

Halos lamunin siya nang buhay. Ito marahil ang pakiramdam ni Mark Solis sa mga online comments at Facebook threads tungkol sa sumabog na balitang napanalunan nito ang top prize sa isang photography contest ng embahadang Chile gamit ang isang ninakaw na larawan.

Nadiskubreng hindi ito ang unang beses na ginamit ni Solis ang gawa ng iba upang manalo sa mga photography contest — at hindi lamang ito nakahihiya sa Brazil-based photographer na ninakawan ni Solis ng photo at sa mga organizers ng nasabing contest, kundi nakababagabag sa buong bansa dahil ang kaso ni Solis ay isang sulyap sa malawakang pagkasira ng moralidad sa lipunang Pilipino.

Tanging si Solis ba ang may sala? O ‘di kaya’y isa lamang siya sa ‘di mabilang na mga mamamayang sanay manlinlang ng kapwa, ngunit sa kasawiang palad ay nahuli? Sa konteksto ng isang bayang nagugulumihanan sa isyu ng isa ring kahila-hilakbot na panlilinlang ng publiko, ang pork barrel scam, ang tanong, kung si Solis ay isang sintoma, ano ang kagimbal-gimbal na sakit ng ating lipunan?

Ayon sa isang balitang lumabas sa Philippine Daily Inquirer, karagdagang pork barrel funds na nagkakahalagang P1.107 bilyon ang ibinigay sa 20 senador na bumotong i-impeach si dating Chief Justice Renato Corona noong 2011.
Wala namang natanggap ang mga senator-judges na bumotong ipawalang-sala si Corona na sina Ferdinand “Bongbong” Marcos at Miriam Defensor-Santiago.

Lahat ito ay tumutugma sa pasabog na ibinunyag ni Sen. Jinggoy Estrada sa isang privilege speech kamakailan kung saan tinawag niyang “selective justice” ang pagtugis sa kanya at kina Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Ramon Revilla Jr., habang tila nagbubulag-bulagan ang administrasyong Aquino sa “irregularities” ng paggamit ng pork barrel ng higitkumulang 371 na mambabatas.

Dinepensahan naman nito ni Budget Secretary Florencio Abad, na totoong binigyan ng karagdagang pork barrel ang mga senador, ngunit ito aniya, ay bahagi ng Disbursement Acceleration Program (DAP) at hindi uri ng pagsuhol.
Sabihin na nating, medyo may palusot pa ang administrasyong Aquino sa paratang na sinuhulan ang mga senador upang i-impeach si Corona, ang totoong nakalulula ay ang laki ng mga halagang nakalista sa tabi ng mga pangalan ng mga mambabatas:
Tumanggap ng P50 milyon bawat isa sina Antonio Trillanes, Manuel Villar, Ramon Revilla, Loren Legarda, Lito Lapid, Jinggoy Estrada, Alan Cayetano, Edgardo Angara, Ralph Recto, Vicente Sotto III at Serge Osmeña. P30 milyon naman ang nakuha ni Francis Pangilinan; P45.5 milyon kay Koko Pimentel; P44 milyon para kay Teofisto Guingona; P92 milyon para kay Enrile at P100 milyon para kay Franklin Drilon.

Sa laki ng halaga na pinag-uusapan, bakit kaya hindi sineseryoso ang haka-hakang nagiging mekanismo ng sistematikong korupsyon ang Priority Development Assistance Fund (PDAF)? Talaga bang kasama sa mandato ng mga mambabatas ang pumili ng mga proyektong nangangailangan ng pondo na labas sa hurisdiksyon ng mga ahensiya ng gobyerno? Hindi ba’t para sa mga nakatalagang ahensiya ng gobyerno ay kulang pa nga ang pondo?

Tingnan na lamang natin ang kalagayan ng Department of Education na buong-giliw na ipinahayag nitong Mayo na makakamit na ng nasabing kagawaran ang “zero backlog” para sa klasrum, mga libro at mga guro.

Nakalimutang ibunyag ng DepEd na nananatili itong naka-depende sa 35,449 na volunteer kindergarten teachers,
4,828 mobile teachers at coordinators, at 49,530 na mga gurong pinapasuwelduhan ng lokal na pamahalaan.

Katawa-tawa na ang kinikita ng isang volunteer na guro ay P3,000 kada buwan — ni hindi nga yata makakakain nang maayos ang isang tao tatlong beses sa isang araw sa ganitong sahod. Abonado pa sa pagsakay sa dyip papuntang eskwelahan. Ang libo-libong guro na katulad nila ay wala ring katiyakan ang mga trabaho at walang benepisyo. Paano kaya kung ang pondong 1 bilyong mahigit na ibinigay sa mga senador ay itinuon sa mga guro?

Kung babalik tayo sa eskandalo ni Solis, ang lilitaw ay ang pagkabulag nating mga Pinoy sa harap-harapang paglapastangan sa ating pagkilala sa integridad. Kung tutuusin, walang isang pangalan ngayon sa Kongreso ang walang bahid pagdating sa isyu ng pork barrel, ngunit bakit napakabilis nating kondenahin ang kamalian ni Solis, ngunit napakahirap kilalanin na malamang sa malamang, hindi lang si Estrada, Enrile at Revilla ang mga baboy sa Senado?

You May Also Like