Si Ma’am Arlene, Madame Janet, atbp.

editorial vol 1 no 18

Laman naman ngayon ng usap-usapan ang isang ‘Ma’am Arlene’ na diumano’y nag-aareglo ng mga kaso sa Court of Appeals (CA) para sa mga mayayaman na mga kliyente. Matapos ang mga umuugong na mga rebelasyon tungkol sa talamak na korupsyon sa pamahalaan kaugnay ang pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF), narito naman ang mga hinala na may — hindi lamang isa kung hindi — tatlong ‘Ma’am Arlene’ na nagpapatakbo ng isang modus operandi na kasangkot ang mga imbestigador, piskal at mga mahistrado sa Metro Manila.

Mala-Janet Lim-Napoles ang peg ni ‘Ma’am Arlene’ o ng mga ‘Ma’am Arlene’ na ito at binabati natin ang mapagbantay na mga kinauukalan para tuluyang maimbestigahan ang nasabing isyu, ngunit, heto ang tanong ko: Hindi ba’t lubhang napapanahon ang paglitaw ng karakter ni ‘Ma’am Arlene’ — sa gitna ng ‘di mapigilang pagkayamot ng publiko sa tugon o kawalan ng tugon ng Malacañang sa panawagang wakasan ng administrasyon ang PDAF at lahat ng uri ng discretionary funds?

Sa anti-pork rally na ginanap sa Makati mga ilang linggo na ang nakararaan, ‘di matatanggi ang pag-iba ng tono ng malaking pagtitipon na ito — na ang tunay na pork barrel king ay walang iba kung hindi ang pangulong Benigno Aquino III. Kung sa kauna-unahang rally sa Luneta noong Agosto 26, si Janet Lim – Napoles ang bida, este kontrabida, ngunit, unti-unting lumalabas na ang PDAF ay isa lamang maliit na sapa ng korupsyon sa gitna ng umaagos na karagatan ng paglilinlang sa taong bayan.

Ang isa pang tanong ay bakit magpahanggang ngayon, sa pangatlong ulit, nagawang takasan ni Madame Janet ang humarap sa isang Senate inquiry tungkol sa tunay na papel niya sa pork barrel scam. Hindi ba’t nakapagtatakang si Napoles, na nasa gitna ng mga cover-up tungkol sa isyu ng PDAF scam, ay hindi pa kwinekwestyon tungkol sa nalalaman niya? Ayon sa pangulo ng Senado na si Franklin Drilon, hinihintay niya ang utos mula sa Ombudsman tungkol sa pagkwestiyon kay Napoles.

Apat napu’t apat na araw matapos ang pagkaaresto kay Napoles, hindi pa ginagalud ang puno’t dulo ng pork barrel scam. Posible ba talagang magmaniubra ang isang tulad ni Napoles na walang makapangyarihang mga kasapakat — maliban, halimbawa, kina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla? Buong layang nagreyna-reynahan si Napoles na tila isang malaking palaruan ang lehislatura. Saan nanggagaling ang kanyang kumpiyansa? ‘Di kaya’y may isang dambuhalang backer si Napoles na kayang-kaya siyang pagtakpan at hanggang ngayon ay pinoprotektahan siya? Sino naman ang tao o mga taong ito? Ang hindi pagharap ni Napoles sa Senado ang isa sa mga senyales na hindi pa nasisiwalat sa publiko ang buong katotohanan ng pork barrel scam.

Huling tanong, magugulat ka ba kung malaman mong ang mga bakas ng iskandalo ay humahantong sa Malacañang?

You May Also Like