Si Kristel, Ang Santo Papa, at Si Vincent

AlagadKaawa-awa ang sinapit ng pamilya ni Kristel Tejada. Nagpatiwakal ang estudyante ng UP Manila nang mabigo syang mabigyan ng palugit sa pagbayad ng kanyang tuition fee sa nasabing paaralan. Malaking dagok ito hindi lamang sa mga opisyal ng UP, kundi sa gobyerno natin mismo. Inilabas ng Korte Suprema ang desisyon na suspendihin ang pagpapatupad ng batas RH, na dapat sana ay ipapatupad sa Pasko ng Pagkabuhay ng ating Panginoon. Paano nasisikmura ng ating mga lider na gumastos ng bilyon-bilyong piso para lamang sa RH samantalang kulang na kulang ang badyet para sa edukasyon?

Nitong linggong ito ay opisyal nang itinalaga si Pope Francis bilang Santo Papa ng Simbahang Katolika. Marami ang natuwa sa unang linggo matapos siyang mahalal bilang Papa: ipinakita ng media na siya ay may tunay na malasakit sa mahihirap, at pinagsabihan pa nga ang kanyang mga kababayan sa Buenos Aires, Argentina, na huwag nang dumalo sa kanyang inauguration, at ibigay na lamang ang perang gagastusin sa mga mahihirap. Sa kanyang sermon, sinabi niya na dapat nating ipagtanggol ang mga mahihina at mga mahihirap.

Swak ang kanyang mga sinabi sa mga nangyayari dito sa Pilipinas. Obligasyon ng ating mga lider na unahin ang kapakanan ng mga mahihirap; pero sila-sila, nagpapayaman. Sinimulan ng lolo, sinundan ng anak, at akala ninyo matatapos sa apo? Hindi! Ginawang negosyong pampamilya ang politika ng ating bayan!

Ang pagkamatay ni Kristel ay sumisimbulo sa kamatayan ng pangarap ng mga maliliit na taong tulad natin dahil ang mga namumuno ay masyadong ganid sa pera at sa kapangyarihan.

Habang sinusulat ko ito ay naalala ko pa ang kumpil ng aking dating estudyante na si Vincent kaninang umaga. Kinuha niya akong ninong, at sino ba naman ako para tumanggi? Nagtungo kami sa isang restoran pagkatapos ng kumpil, at nang bayaran na ay nagpilit akong ako na ang magbabayad, dahil alam kong mahirap lamang ang pamilya ni Vincent. Bandang huli ay pumayag ako na sila ang magbayad, upang hayaan silang makagawa ng kabutihan, masuklian man lang ang ginawa kong pagtuturo sa anak nila. Ganyan ang dignidad na mayroon ang ating mga kapatid na mahihirap. Naisip ko tuloy na kung sino pa ang hindi pinalad sa salapi ay sila pa ang labis kung magbigay.
Mas tao pa sila kaysa karamihan sa mga politiko natin.

You May Also Like