Si Juan at si Tuldok

miss diMinsan, naghahanap ako ng bagong tali para sa mga aso ko. Lumalaki na kasi sila, bumibigat na rin kaya mukhang kaunti na lang at mapipigtas na ‘yung ginagamit kong mga leash ‘pag nagpumilit silang tumakbo.

Habang naghahanap ako sa mga dog supply shops, may nakita akong babaeng nagtutulak ng stroller. Wow, ang cute naman, naisip ko, ipinapasyal niya ang baby niya sa animal-friendly environment tulad nito… Tapos pagtingin ko sa stroller, ang nakasakay pala ay aso! Ewan ko nga ba pero sa sandaling ‘yon, parang gusto kong itaob ang stroller. Violent reaction ba? Eh pa’no naman kasi, ang stroller ay para sa tao, tapos ang daming mga nanay na ngawit na sa pagbubuhat ng anak nila dahil walang pambili ng stroller. Heto ngayon, aso ang ilalagay sa stroller samantalang inilalabas nga ang aso paminsan-minsan para ma-exercise eh. Tapos pauupuin mo sa stroller?

Naalala ko tuloy ‘yung mga panahon na nakakita ako ng mag-ina sa mall — magkadugtong ang dalawa sa pamamagitan ng “leash”. Hindi naman nakakabit sa leeg ng bata ang leash — sa pulso lang o kaya sa baywang. Tapos ang kabilang dulo ay hawak ni nanay.

Iba-iba ang style ng mga magulang; iba-iba rin ang ugali ng mga bata, kaya nirerespeto ko ang desisyon ng bawat magulang tungkol sa pagpapalaki sa kanilang anak. ‘Yun nga lang tuwing nakakikita ako ng ganitong naka-leash na bata, naiisip ko na sa panahon ngayon tila ang mga tao ay tinatratong parang hayop, habang ang mga hayop ay tinatratong parang tao. Batang naka-leash, asong nakasakay sa stroller — at dinadamitan pa madalas.

Pero nakalilimutan siguro natin na habang mahalaga ang wastong pag-aalaga ng mga hayop na nilikha rin ng Maykapal, pangalawa lang sila sa mga tao sa herarkiya ng mga nilalang. Ang pinakagusgusin na taong nakatira sa kalye ay mas nararapat bigyang halaga pa rin kaysa sa pinakamalinis at bihis na bihis na asong nakapagbibigay-aliw sa atin. Ang halaga ng buhay ng daan-daang mamahaling aso ay walang sinabi sa halaga ng buhay ng isang taong inilikhang larawan at kawangis ng Diyos.

Ating isipin: nakikita ba ang ganitong wastong pagpapahalaga sa pagtrato natin sa ating kapwa?

You May Also Like

  • Roberto

    Marami na ngang ganito rin akong nakikita. at may tinitinda na talagang stroller ngayon para sa mga aso sa pet shops. ang weird nga. supposedly, ginagala ang aso. As if naman ito talaga ang gusto nila. baligtad na ang mundo. nakakatawa pa yung iba, na makamahirap daw. pero wag ka, pag nakakita ng mahirap ay nandidiri pero yung mga aso nila sa bahay, mas sosyal pa ang pagkain sa mga taong nagugutom at naghihirap.

    Ok lang mag-alaga at magmahal ng alaga, pero yung sobra sana natin na biyaya ay hindi na gastusin para sa luho ng mga alaga natin. itulong na lang nga sana sa iba.

    At yung mga tali naman para sa bata, marami na talaga ngayon pero kadalasan, practical naman din kasi may mga bata na ayaw na sa stroller. balak ko ngang bumili ng ganon para sa anak ko (parang nakatali sa bewang ata yun) kasi masyado na siyang malikot at takbo ng takbo pag namamasyal kami sa mall. baka makatakas o damputin ng ibang tao. 🙂