Si Juan at ang Midya

Sa panahon ngayon, hindi maitatatwang ang teknolohiya ay isa sa mga agarang paraan upang maipahayag ng isang tao ang kanyang nararamdaman. Ang mga samu’t saring opinyon hinggil sa pulitika,artista, pangyayari at iba pa ay sadyang mainit sa mga mata ng sinuman sa mundo, lalong lalo na ni Juan.

Si Juan, o ang simpleng salitang pantukoy sa bawat Pilipino, ay malaya sa kanyang pagpapahayag. Sa bansang nananaig ang demokrasya, ang kalayaan sa pagpapayahayag ng nararamdaman ay maituturing na biyaya mula sa ating mga ninunong nakipaglaban sa kalayaan. Ang isang mukha ni Juan ay mapanuri at mahusay na kritiko sa mga kaganapan sa kanyang paligid. Dahil sa kanyang taglay na husay, hindi maikakaila na madali niyang makuha ang loob ng nakararami at mapaniwala ang mga ito.

Gayunpaman, ang isang mukha ni Juan ay tila nakakalimot. Sa panahon ng makabagong midya, napagtanto ni Juan na ang pagsikat ay hindi na pangarap lamang. Ang iba ay abusado at hindi alintana ang epekto sa kanyang magiging biktima. Sapagka’t hindi napagtatanto ng ikalawang mukha ni Juan na ang pagpapahayag ng nararamdaman na maaring ikasakit ng iba ay isang kasalanan, siya ay nagpapatuloy sa kanyang nakasanayan.

Oo nga’t ang mundo ay mayroong kinikilalang batas na nakasaad sa Artikulo 19 na may titulong Universal Declaration on Human Rights(Pangkalahatang Deklarasyon ng Karapatang Pantao) at ang Artikulo 3 ng ating Saligang Batas(1987), ang isang bahagi ni Juan ay hindi nabibigyan ng mas masusing obligasyon upang tupdin ang mga katagang nakapaloob sa mga batas na ito.

Sa demokrasyang tinatamasa sa makabagong mundo at ng makapangyarihang midya, may panahon pa kaya upang maging mas responsable si Juan sa kanyang mga pagpapahayag?
Ito ay isang tanong na naghahanap ng mapanuring kasagutan. Ngunit kailan?

Ika nga ng nakararami- sa tamang panahon.

April Opelac

You May Also Like