Si Barayuga at ang P2 Milyong Promotion Business sa BFP

Nelson Salazar BadillaNi: Nelson S. Badilla

NAGRETIRO na si Ariel  A. Barayuga mula sa pagiging hepe ng Bureau of Fire and Protection (BFP) nitong Abril.

Nagsimula si Barayuga sa BFP noong 1998.

Mula sa mababang posisyon, narating niya ang pinakamataas na puwesto sa BFP noong Abril,2015 makaraang italaga siya ni dating Interior Secretary Manuel Roxas II.

Natapos man si Barayuga sa BFP, hindi naman siya tuluyang nawala, sapagkat mayroong siyang iniwang anomalya.

Kakasuhan siya sa anomalyang ito, banggit ni Ernesto Pagdanganan, hepe ng BFP Legal Affairs Division.

Ibinunyag ni Pagdanganan sa media na noong Pebrero, 13, 455 katao ang kumuha ng qualifying exams para makapasok sa BFP.

Eksaktong 239 ang pumasa.

Ang mali dito ay wala pang inilalabas na opisyal na posisyon ang BFP  Personnel Selection and Promotion Board (PSPB) hinggil sa bilang ng papasa.

Ginawan ito ng paraan ni Barayuga.

Ayon kay Pagdanganan, ipinag-utos ni Barayuga sa PSPB na maglabas ang Committee of Examiners ng resolusyon upang maiayos ang petsa.

Naglabas ang komite ng  Resolution No. 2016-001 na ginawang Pebrero 23 ang ipinasok sa item number 240 sa  Official Logbook ng Office of BFP Chief  na petsa ng pagsusulit para makapasok sa BFP.

Ayon kay Pagdanganan, noong Pebrero 15, ang 239 na pumasa ay pinakuha ng Physical Agility Test (PAT).

Ang pumasa sa PAT ay 235.

Pumasa rin ang 235 sa interbyu.

Noong Marso 7, sa 235 aplikante ay 32 lamang ang pinakuha ng neuro-psychiatric exam (NPE) at drug test (DT).

Sa 32, tatlo ang bumasak sa NPE.

Kaya, hindi inirekominda ang tatlo na makapasok sa BFP.

Ngunit, ibinunyag ni Pagdanganan na ipinasok ni Barayuga ang tatlo bilang “fire inspectors” kahit sila ay bumagsak sa NPE.

Mayroong hawak si Pagdanganan na mga dokumentong galing sa Maezelle Psycho Metier and Diagnostic Center na magpapatunay na bagsak sa NPE ang tatlong aplikanteng ginawang fire inspectors ni Barayuga.

Ang Maezelle Psycho Metier and Diagnostic Center ay matatagpuan sa 267 Unit 2 Chua Bldg., P. Tuazon, Cubao, Quezon City.

Propellerads

Ang NPE at DT ay parehong napakahalagang rekisito sa pag-a-apply ng trabaho sa pamahalaan.

Ang NPE ang nagtitiyak na estable ang isip ng aplikante upang matiyak na hindi gagawa ng desisyon at aksiyon ng hindi wasto at matuwid.

Kung negatibo sa NPE, posibleng gumawa ng desisyon o aksiyon na makasisira sa operasyon at trabaho ng pamahalaan, kaya hindi tinatanggap ang mga bumagsak sa NPE.

Ang ginawa raw ng BFP Board Secretariat na pinamumunuan ni Chief Inspector Peter Sean Atup ay pinalabas na nakapasa ang tatlo sa NPE.

May natirang 28 aplikante.

Noong Marso 28, nagkaroon ng pulong ang Personnel Selection and Promotion Board na dinaluhan ni Barayuga, kung saan ang naging paksa ay tungkol sa 28 aplikante.

Kinahapunan ng Marso 28, pasok na ang 28 sa BFP bilang fire inspectors.

Sa parehong araw, nanumpa ang 28 at nagsimula na rin ang kanilang trabaho sa BFP.

Mali at bawal ito alinsunod sa Rule II, Section 1 ng Commission on Elections Resolution No. 10030 na inilabas noong Disyembre 22,2015.

Ayon sa resolusyon, bawal magsagawa ng promosyon at pagtaas ng sahod sa mga kawani ng pamahalaan simula Marso 25 hanggang Mayo 8 dahil panahon ito ng eleksyon.

Ang resolusyon ay nakabatay sa itinakda ng Omnibus Election Code.

Mayo 9 ang isinagawa ang pambansa at panglokal na halalan.

Sabi ni Pagdanganan sa panayam sa kanya ng beteranong reporter na si Joel Sy Egco ng The Manila Times: “This is the very first time in the history of the BFP that newly appointed officers were appointed and sworn into office without taking their oath in public, traditionally at the ground floor lobby, and without any single photograph to document the occasion.”

Pero, mayroong dokumento ang BFP na nagsasabing noong Marso 21 sila ipinasok at nanumpa at hindi Marso 28.

Samakatuwid, tahasang pinasisinungalingan ng nturang  dokumento ang nadiskubre ni Padanganan na anomalya noong Marso 28.

Pero, ang tanong ko ay: Paanong mangyayari na Marso 21 tinanggap at nanumpa ang 28 aplikante kung nasa ibang bansa si Barayuga noong Marso 21 kung saan sinundan niya ang kanyang asawa?

Ayon sa balitang inilabas ng The Manila Times nitong Hunyo 6, kailangang maglabas ng P500,000 ang isang aplikante upang umangat ang ranggo.

Ang tatlong taga-promote sa BFP ay kumikita ng tumataginting na P2 milyon sa promosyon, banggit ng ulat ng Times.

Sinabi pa ng Times na matagal nang umiiral ang promosyong may bayad sa BFP.

Lumilitaw na ipinagbibili ang puwesto ng mga nakapuwesto sa gustong mapromote upang ang mga nakapuwestong ito ay yumaman sa napakabilis kahit sa napakasamang pamamaraan.

Ang ganitong kalakaran ay umiral noong panahon ng paghahari ng imperyong Kastila sa Pilipinas.

Sa panahong ito, itinuro ng mga Kastila kung paano yayaman habang nakapuwesto sa estado.

Noong Agosto 13,1898 opisyal na natigil ang paghahari ng Kastila sa Pilipinas.

Napakatagal na rin ng panahong iyan kung bibilangin natin, ngunit mayroong mga Pilipino na kabisado pa rin ang itinuro ng mga Kastila na napakabahong trabaho ng opisyal ng pamahalaan.

Si Ariel Barayuga ay nagtapos ng Doctor in Public Administration.

You May Also Like