Shabu nakatago sa ari ng babae

 

 

Ni: Marites Badilla

TINATAYANG P53,000 halaga ng shabu ang nakuha sa ari ng babae habang ginagamot sa ospital sa lalawigan ng Quezon.

Sa ipinarating na ulat sa Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame ni Supt. Dennis de Leon, hepe ng PNP – Lucena City, nakuha ang pitong plastic sachet na may lamang shabu sa loob mismo ng ari ng 39-taong-gulang na si Imba Masid Domacao.

Nangyari ito habang ginagamot si Domacao sa ospital matapos silang maaksidente ng kanyang anak at apo.

Ayon sa nasabing ulat, bumangga ang sinasakyang motorsiklo nina Domacao sa sasakyan ng pamahalaang barangay ng Brgy. Kanlurang Mayao ng Lucena city nitong Martes.

Ang iba pang naaksidente ay ang anak ni Domacao na si
Khalib, 19, at apong si John Paul Francisco, 19.

Ang mga Domacao ay patungo sa asawa ng babae na nakakulong sa Quezon District Jail sa bayan ng Pagdilao dahil sa droga.

Nagpapagaling na ang tatlo.

Si Domacao na residente ng Purok Sampaguita ng Brgy. Silangang Mayao ay ikukulong at kakasuhan dahil sa nakuhang shabu mula sa kanya.

Ang pangyayaring ito ay nagpapatunay lamang na talamak ang shabu sa lalawigan ng Quezon.

You May Also Like