Shabu Lab na Naman sa San Juan City: P600-M Shabu Nakumpiska ng NBI!

 

By: Denz Laguipo

 

SA loob ng apat na araw, nakadiskubre na naman ang National Bureau of Investigation (NBI) ng panibagong laboratoryo ng shabu ngayong Lunes sa San Juan City.

Noong Byernes, umabot sa P3.35 Bilyon ang kabuuang halaga ng shabu na nakumpiska ng operatiba ng NBI sa isang bahay sa Barangay Little Baguio.

Tatlong Intsik at tatlong Pilipino ang mga nadakip ng NBI sa nasabing operasyon.

Ngayong Lunes ng 11:00 ng umaga, P600 Milyon ang kabuuang halaga ng nakumpiska ng operatiba ng NBI na sangkap sa paggawa ng shabu at mismong shabu sa isang apartment sa Wilson Street ng lungsod.

Sabi ni Atty. Ross Garcia ng NBI – National Capital Region (NBI – NCR), mataas ang kalidad ng nakumpiskang shabu at sangkap sa paggawa ng shabu ng NBI – NCR.

Ani Garcia, ang nasabing shabu ay nakatakdang ibenta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bukod sa shabu, nakuha rin ng mga tauhan ng NBI ang mga gamit sa paggawa ng shabu at iba pang parapernalya.

Walang nahuling empleyado ng shabu lab sa Wilson Street.

Sabi ng may-ari ng apartment, isang pamilya ang nangungupahan sa nasabing tirahan simula nitong 2015 at matatapos sa susunod na taon.

Idiniin ni Garcia na patuloy ang paniniktik ng NBI – NCR sa mga pinaniniwalaang shabu lab sa Metro Manila upang ito ay lusubin, sapagkat patuloy pa rin ang negosyo at operasyon ng ilang sindikato ng iligal na droga kahit sinasabing masyadong madugo ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like