SENADO, NAGING ‘SHOOTING RANGE’ VS DUTERTE

 

 

EDGAR MATOBATO: Pawang katotohan ang ibinunyag ko laban kina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte .
EDGAR MATOBATO: ‘Pawang katotohan ang ibinunyag ko laban kina Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte.’

Ni: Roy Bersales

 

GINAWANG ‘shooting range’ ang Senate Committee on Justice and Human Rights upang ‘pagbabarilin’ si Pangulong Rodrigo Duterte at anak na si Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte.

Ang pakay ng imbestigasyon ng komite na pinamumunuan ni Senadora Leila de Lima ay tukuyin kung anu-ano ang butas sa umiiral na mga batas upang matigil na ang extrajudicial killings, o salvaging laban sa mga sangkot sa iligal na droga.

Ngunit, ang nangyari sa ikatlong pagdinig nitong Huwebes ay may inilabas na testigo si De Lima na ang pangalan ay Edgar Matobato na ang tanging ginawa idiniin sina Pangulong Duterte at Bise-Alkalde Duterte sa mahigit 1,000 pinatay sa Davao City mula 1998  hanggang 2014.

Idiniin ni Matobato, si dating Davao City Mayor Duterte ang may utos ng mga patayan, kabilang na ang pagpatay sa broadcaster na si Jun Pala noong 2003 at ang pagpapasabog sa Mosque (simbahan ng mga Muslim), bilang reaksiyon sa pagpapasabog sa San Pedro Cathedral noong 1993.

Pati ang pagpatay umano sa isang international terrorist na si Salim Makdum noong 2002 ay idiniin ni Matobato na si dating Mayor Duterte pa rin ang nagpalikida sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).

Kinuwestiyon ito ni Sen. Panfilo Lacson.

Tiniyak niyang wala nang PAOCTF noong 2002.

Wala ring lumalabas sa google na isang international terrorist na Salim Makdum ang napatay, patuloy ni Lacson.

Mayroon naman ding pagkakataon na anak niya ang may utos, tulad ng pagpapalikida sa bilyonaryong si Richard King noong 2014 dahil sa pagseselos ni Duterte sa babae.

Mariing itinanggi ng bise-alkalde ang paratang.

Ani Motabato, isa siya sa miyembro ng “heinous crime unit” ng pulisya ng Davao City na pumapatay.

Ang pangkat na ito ay ang “Lambada Boys,” o ang nakilalang Davao Death Squad (DDS), aniya.

Pito lamang ang miyembro ng Lambada Boys.

Ang sinasahod niya sa kanyang trabaho bilang mamamatay-tao ay mahigit P5,000 kada buwan.

Ang sahod daw ay galing sa pamalaang lokal ng Davao.

Ilan sa pinapatay ni Duterte ay ang apat na bodyguard ni dating House Speaker Prospero Nograles.

Naganap daw ang insidente noong tumakbo si Nograles sa pagka-alkalde ng Davao City laban kay Sarah Durterte noong 2010.

Natalo si Nograles.

Tahasang itinanggi ito ni Davao City Rep. Karlo Nograles.

Tiniyak ng kongresista na walang namatay kahit isang bodyguard ang kanyang ama.

Ang duda ng batang Nograles ay mayroong mga taong nasa likod ni Matobato na gumagamit sa kanya upang isulong ang kanilang pansariling interes.

Ang isa pang ipinapatay umano ni dating Mayor Duterte ay ang dancing instructor na naging boyfriend ng kapatid niyang si Jocelyn Duterte.

Hindi raw totoo ang akusasyon ni Matobato, banggit ni Jocelyn.

Ibinunyag din ni Matobato na maging si De Lima ay ipinapatay ni dating Mayor Duterte noong 2009.

Pinuno ng Commission  on Human Rights (CHR) si De Lima.

Inaalam noon ng pangkat ni De Lima kung totoo ang ‘tip’ sa CHR na mayroong libingan ng mga biktima ng salvaging sa Laud Property, ngunit hindi natuloy ang planong pagpatay kay De Lima dahil hindi umakyat ang kanyang grupo sa tuktok ng bundok ng Laud Property kung saan nakapuwesto ang grupo ni Matobato.

Si Matobato ay dating nasa ilalim ng witness protection program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).

Umalis umano siya sa WPP bago magsimulaa ang termino ni Duterte bilang Pangulo ng Pilpinas dahil natatakot umano siyang dukutin at iligpit ng mga awtoridad kung makaupo na sa Malakanyang si Duterte.

Nang tanungin si Matobato kung saan siya nagtatago bago sumulpot sa Senado, sa San Fabian, Pangasinan, aniya.

Tinulungan siya ng isang obispo.

Ngunit, ayaw niyang ibunyag kung sino ang grupo ng mga taong tumulong sa kanya upang makarating sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights para ‘pagbabarilin’ si Pangulong Duterte sa mga ipinagawa sa Lambada Boys, o DDS.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like