#SariSari: WALANG TULUGAN!

Ni Prof. Michael Franz Trias Ang

WALANG TULUGAN!

Kagimbal-gimbal at karumal-dumal ang nangyaring masaker sa Orlando, Florida sa Estados Unidos noong ika-12 ng Hunyo 2016. Bakit kaya may mga taong nahihimok sa mga radikal ngunit baluktot na ideyolohiya? Nasa ika-21 siglo na tayo ngunit marami pa rin ang hindi rumerespeto o tumatanggap man lamang na bahagi ng anumang lipunan ang mga LGBT. Madaling magpaka-moralista at sabihing mali ang maging isang LGBT. Ngunit lahat tayo sa tingin ko ay may kamag-anak, kaibigan o kakilala na miyembro ng LGBT at masasabi ko na karamihan sa kanila ay may pakinabang at mga mabubuting tao. Sino ba tayo para manghusga? Sino sa atin ang tunay na malinis? Tandaan natin na ang ating Hesukristo mismo ay niyakap ang isang “napakaruming babae” na si Marya Magdalena.

******************

May suhestiyon na gawing PhP 50,000.00 ang minimum na sahod ng mga pulis. Ang hangad ng nasabing suhestiyon ay mabawasan o hindi ka ay tuluyang mawala ang katiwalian sa kapulisan. Hindi ba dapat itaas ang sahod ng lahat ng nasa gobyerno dahil ang lahat naman ng nasa gobyerno ay maaaring matukso sa katiwalian? Para na rin nating sinabi na ang mga pulis lamang ang mga tiwali at may pangangailangan sa mas mataas na sahod.

******************

Sinasabi na si President-elcet Duterte ay isang “nocturnal” na tao. Ang ibig sabihin nito ay mas buhay ang kanyang diwa sa gabi hanggang sa madaling-araw. Sa mga magsisilbi sa ilalim ng kanyang administrasyon, maghanda na kayong sumigaw ng “Walang Tulugan!” tulad ng sinisigaw dati ng namayapang si Kuya Germs.

******************

Ilang tulog na lang at Rio Olympics na. Masusungkit na kaya natin ang ating unang gintong medalya? Abangan na lang natin mga kababayan. Wala namang imposible ngunit huwag tayong masyadong umasa. Sana matuloy ang paglikha ng Department of Sports ng pamahalaan at sana magkaroon ito ng sapat na badyet para magsanay ng mga batang atleta na magbibigay dangal sa ating bayan sa hinaharap.

******************

“Let’s begin to forget and start healing. I would like to reach the hands of my opponents. Let us be friends.” Ito ang mismong pahayag ni President-elect Duterte. Ngunit bakit hindi magkasabay ang inagurasyon nina President-elect Duterte at VP-elect Robredo? Sabi nga nila, “kung gusto ay maraming paraan ngunit kung ayaw ay maraming dahilan.” Hindi magiging maganda ang pahiwatig nito sa taumbayan.

******************

Sabi ng iba ay lumalamlam na ang “Aldub” love team nina Alden Richards at Maine Mendoza. Mayroon silang bagong pelikula na pinamagatang “Imagine You and Me.” Kapag tumabo ang palabas na ito sa takilya ay siguradong tatahimik uli ang mga “haters” at “bashers” nila.

You May Also Like