Santiago: Dis-armahan at sibakin ang mga Pulis na sangkot sa droga

Ni: Joel O. Amongo
 
DAPAT dis-armahan at tanggalin sa Philippine National Police (PNP) ang lahat ng pulis na sangkot sa iligal na droga, bilang protektor ng sindikato ng droga, o nagrerecycle ng shabu.
 
Ito ang hamon ni dating director general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Dionisio Santiago kay PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa.
 
Idiniin ni Santiago na patuloy na mananatiling marumi ang PNP kung ililipat lamang sa Mindanao ang mga pulis na sa sangkot sa droga.
 
Ang pahayag ni Dionisio, dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ay reaksiyon sa naging desisyon ng PNP sa mga napabalitang pulis na itinalaga sa Mindanao, partikular say unit ng PNP sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
 
Ang tinutukoy ng retiradong heneral ay ang higit 40 pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) na ipinatapon sa ARMM simula Hulyo 1 dahil sa droga.
 
Dalawa sa ipinadala sa Mindanao ay may ranggong superintendent.
 
Ito ay sina Supt. Jay Agcaoili (dating hepe ng QCPD District Special Operations Unit) at Supt. Victor Pagulayan (dating hepe ng QCPD Police Station 3).
  
Kasama ring ipinadala sa ARMM sina Chief Inspector Robert Razon (dating hepe ng Regional Anti-Illegal Drug ng National Capital Region Police Office) at Chief Inspector Enrico Caguiao (dating hepe ng QCPD District Anti-Illegal Drug).
 
Sa press conference sa Quezon City, idiniin ni Santiago na mas mainam kung tatanggalin sa trabaho at kukumpiskahin ang mga baril ng mga pulis na isinasangkot sa droga.
 
Alam na alam ni Dionisio ang kanyang tindig laban sa droga, sapagkat siya ang nagbigay ng ‘drug list’ kay Pangulong Rodrigo Duterte na may higit 150 pangalan ng mga opisyal ng pamahalaan mula sa iba’t ibang organo ng pamahalaan na sangkot sa ipinagbabawal na gamot bilang protektor ng sindikato ng droga, o di kaya ‘ninja.’    
 
Ang ibig sabihin ng ninja, sa lengguwahe ng pulis, ay mga pulis na nagnanakaw ng shabu mula sa kanilang naaaresto at pagkatapos ay muling ibinebenta sa mga adik, sa pamamagitan ng kanilang sundalo ng mga tulak, upang kumita ng mas malaki kumpara sa tinatanggap nilang sahod kada buwan.
 
Ang naturang ‘drug list’ ay ipinasa na noon ni Santiago kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngunit hindi nito inintindi.
 
Muling ipinadala ni Santiago ang listahan sa Malakanyang nang si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III na ang Pangulo, ngunit binasura pa rin.
 
Inaaksiyonan na PNP, PDEA, at National Bureau of Investigation (NBI) ang ‘drug list’ ngayong si Rodrigo Duterte na ang Pangulo.
 
Nanawagan si Santiago kay Dela Rosa na huwag nitong ititigil ang kampanya ng PNP laban sa droga upang matigilan ang paglala nito.
 
Ang isa pang punto ni Dionisio ay matinding  negosyo ang iligal na droga dahil “Ang mga drug lord ay may war ‘yan, kumpetisyon ‘yan sa kanilang negosyo.”
 
Inihalimbawa pa ni Santiago ang bago ngayon sa negosyo ng droga sa Pilipinas ay  ang pagpasok ng Mexican drug cartel.
 
“Hindi naman papayag ang bagong cartel na kukuha ng tao mula sa kalaban,” aniya, kaya patayan ang mangyayari upang makontrol nito ang masamang negosyo.
 
Upang huwag lumala ito, kinakailangang tuluy-tuloy ang kampanya laban sa sindikato ng droga, diin ni Dionisio.

You May Also Like