SanMig, Air21 magkakasubukan

Aksyong umaatikabo ang tiyak na masasaksihan sa pagpapatuloy ng Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum ngayong Martes, March 20.

Magsasagupa ang SanMig Coffee at Air21 na kapwa naghahangad na makabangon sa hindi magandang simula sa liga.
Galing sa 76-71 panalo ang SanMig Coffee Mixers kontra Meralco Bolts sa larong kinatampukan ng double-double performance ng import nitong si Denzel Bowles.

Si Bowles, na hinatid ang koponang ito sa kampeonato noong isang taon, ay humataw ng 23 puntos at 16 rebounds para pangunahan ang Mixers sa panalo. Nagdagdag naman ng 19 puntos si James Yap, at si Marc Pingris ay nagtapos na may pitong puntos at 16 rebounds.

Kasalukuyang katabla ng SanMig ang Talk ‘N Text at Meralco sa ikaapat na puwesto sa team standings na pawang may 4-4 kartada pero umaasa si Mixers head coach Tim Cone na makaalagwa ang kanyang koponan kontra Air21 sa Martes para ma-solo nito ang ikaapat na puwesto.

Pero tiyak na hindi naman basta padadaig ang Air21 Express na matapos na manalo lamang ng isang beses sa unang anim na laro ay kasalukuyan namang may two-game winning streak.

Magkasunod na tinalo ng Air21 ang  GlobalPort, 106-94, at Alaska Milk, 74-68, para makaahon sa kinalulubugang putik. Ngunit kailangan pa ng Express ng ibayong pagsisikap para magtuloy-tuloy ang kanilang pag-angat.

Sasandig si Air21 coach Franz Pumaren sa mga pambato niyang sina Nino Canaleta, Mike Cortez, John Wilson, Mark Isis, Wynne Arboleda at import nitong si Michael Dunigan.

Tulad ni Bowles ay masipag at matatag sa ilalim si Dunigan. Kontra GlobalPort ay kumulekta ng 35 puntos at 20 rebounds si Dunigan at kontra Alaska naman ay may 25 puntos at 14 rebounds ito.

Sa isa pang laro sa Martes ay magtutuos ang Rain or Shine at Barako Bull.

Kapwa pakay ng dalawang koponang ito na mapigil ang kani-kanilang losing streak. Ang Rain or Shine ay papasok sa larong ito  tangan ang dalawang dikit na kabiguan habang ang Barako Bull naman ay hindi nanalo sa huling apat na laro.

You May Also Like