Sangguniang Panglunsod ng QC, nagsagawa ng drug test

 

 

 Ni: Joel O. Amongo
 
SUMAILALIM sa drug test ang 35 sa 36 na konsehal ng Lungsod Quezon nitong Lunes.
 
Si Konsehal Victor “Jun” Ferrer Jr. ang hindi lang nakapag-drug test dahil siya ay nasa Tarlac.
 
Hindi alam ni Ferrer na may drug test dahil ayon naman mismo kay Bise-Alkalde Joy Belmonte surpresa ang naturang test.
 
Ngayon Martes magpapadrug test si Ferrer.
 
Bukod sa sorpresa, sikreto rin ang drug test.
 
Sabi ni Belmonte, mandatory ang drug test sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaang lungsod ng Quezon City, kabilang na ang 36 na konsehal at maging sila ni Mayor Herbert Bautista.
 
Sabi pa ni Belmonte, ang isinagawang mandatory drug test ay nakabatay sa Ordinance No. SP. 2460, S-2015 ng lungsod.
 
Sa pamamagitan ng nasabing Ordinansa na tinaguriang “Drug-free Workplace Program” ay inuutusan ang lahat ng empleyado ng pamahalang lokal ng Quezon City mula alkalde hanggang sa 142 na barangay ng lungsod na sumailalim sa mandatory drug test.
         
Ang drug test ay nakadikit din sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ipinagbabawal na droga.
 
Kapag naging positibo ang sinumang konsehal sa drug test ay irerekomenda ng pamunuan ng Sangguniang Panglunsod na sumailalim sila sa rehabilistasyon, saad ng bise-alkalde.
 
Pagkatapos ng rehabilitasyon at lumitaw na positibo uli sa drug test, ipatatanggal na sa konseho ang naturang konsehal, patuloy ni Belmonte.

You May Also Like