Sandiganbayan: Espino, Suspendido ng 90-Araw

 

Rep. AMADO ESPINO JR.
Rep. AMADO ESPINO JR.

Ni: Roy Bersales

 

SIYAMNAPUNG araw isinuspinde ng Sandiganbayan si Pangasinan Rep. Amado Espino Jr. habang nililitis ang kasong katiwalian na may kinalaman sa itim na buhangin sa Lingayen Gulf noong 2011.

Ang “preventive suspension” na inisyu ng ika-6 na Dibisyon ng Sandiganbayan ay desisyon ng korte sa mosyon ng prosekyusyon na isuspinde si Espino habang nililitis ang kasong kriminal laban sa kanya at iba pa, saad sa 5-pahinang desisyon ng ika-6 na Dibisyon ng korte nitong Setyembre 7 na inilabas kinabukasan.

Iginiit ng prosekyusyon sa mosyon nito na ang preventive suspension ay nakabatay sa Seksiyon 13 ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) na nagsasabing maaaring patawan ng preventive suspension ang kasalukuyang opisyal ng pamahalaan na nahaharap sa kasong katiwalian at korapsiyon.

Hiniling ni Espino na huwag katigan ng korte ang mosyon, sapagkat taliwas ito sa Saligang-Batas.

Hindi pinakinggan ng korte si Espino.

Ganito ang tugon ng korte: “Wherefore, the prosecution’s Motion to Suspend the Accused Pendente Lite is hereby granted, and accused Amado Espino Jr. is hereby directed to cease and desist from further performing and/or exercising the functions, duties and privileges of his position as Congressman of the Fifth District of Pangasinan, or any other position he may now or hereafter be holding effective immediately upon receipt hereof and continuing for a period of 90 days.”

Inatasan din ng Sandiganbayan ang pinuno ng Kamara, o ng kanyang representatibo na sulatan sa loob ng limang araw ang Sandiganbayan sa desisyon nito sa pasya ng korte.

Ang desisyon ng ika-6  na Dibisyon ng Sandiganbayan ay upang hadlangan si Espino na makaimpluwensiya sa mga testigo, o gagalawin ang mga dokumentadong ebidensiya gayong siya ay halal na opisyal ng pamahalaan.

Si Espino ay kasalukuyang representatibo ng ika-5 Distrito ng Pangasinan sa ika-17 Kamara del Representantes.

Si Espino ang gobernador ng  Pangasinan mula 2007 hanggang 2016.

Pumalit sa kanya sa pagkagobernador ay ang anak niyang si Amado “Pogi” Espino III.

Ang kaso ni Espino at iba pa ay may kinalaman sa isinampa ng Office of the Ombudsman na nagdidiin sa dating gobernador na pinayagan niya ang Xypher Builders Inc. at Alexandra Mining and Oil Ventures Inc. na kumuha ng itim na buhangin sa Lingayen Gulf noong gobernador pa ng Pangasinan si Espino noong 2011, samantalang ang dalawang kumpanya ay “not lawfully entitled to conduct mining activities within said protected area.”

Noong Marso isinampa ng Ombudsman ang kaso sa Sandiganbayan.

Ang tungkol sa isyu ng itim na buhangin ay isa sa mga kontrobersiyang pinagkakakitaan umano ni Espino na tinukoy sa “drug matrix” na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Agosto.

Sa nasabing drug matrix, pasok sa operasyon ng iligal na droga si Espino, ilang opisyal at naging opisyal ng pamahalaan na pawang mga taga-Pangasinan, kabilang si Ronnie Dayan na sinasabing dating driver at nobyo ni Senadora Leila de Lima.

Kasama rin si De Lima sa drug matrix—katunayan nangunguna siya sa listahan.

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga taong nakalista sa drug matrix, kabilang na sina De Lima at Espino.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like