Sanay simula pa lang ito

 

 

HINDI maipagkakailang malawak na rin ang lupang ipinamahagi sa maraming  magsasaka at manggagawang bukid sa nakalipas na mga taon, ngunit kakaiba ang desisyon ng Department of Agrarian Reform (DAR) nitong Huwebes, sapagkat ang ipinamahagi nito ay 358.22 ektaryang bahagi ng halos 5,000 ektaryang Hacienda Luisita.

Hindi pinagbigyan ng DAR ang apila ng Tarlac Development Corporation (TADECO) na huwag ipamahagi sa mga manggagawang bukid ang nasabing lawak ng lupain, dahil hindi raw kasama sa repormang agraryo ang lupain.

Ibinasura ito ni DAR Secretary Rafael Mariano, sapagkat kumbinsidong-kumbinsido ang kalihim na walang merito ang argumento ng TADECO.

Pinal na ang pasya ng DAR, sa pangunguna ni Mariano, kaya hindi na nito tatanggapin pa ang anumang apilang gagawin ng TADECO sa susunod na mga araw.

Kaya, ipinag-utos na ni Mariano sa hepe ng DAR sa Sentral Luzon na ipamahagi na ang nasabing 358.22 ektarya sa mga magsasakang lehitimo at nararapat na makinabang.

Ipinapakita ng pangyayari na hindi sa lahat ng pagkakataon ay marahas, mapanikil, at pabor sa mayaman at makapangyarihan ang pamahalaan.

Dumarating din ang panahon at pagkakataon na ang burukrasya ay siya mismong magiging instrumento sa pamamahagi ng lupa para sa mga magsasaka at manggagawang bukid.

Mangyayari iyan kung ang nakaupo sa pamahalaan ay hindi matatakot na ipamigay ang lupa ng mga makapangyarihang asindero sa mga magsasaka at manggagawang bukid tulad ng pamilya Cojuangco at Aquino, ang mga may-ari at may kontrol sa TADECO na siyang may-ari naman ng Hacienda Luisita at Azucarera de Tarlac (na nasa loob ng Hacienda Luisita) simula 1958.

Nangyari ang hindi inaasahan dahil ang lider ng DAR ay “leftist” na pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

S’yempre, kaya naman naging kalihim ng DAR si Mariano ay dahil determinado si Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon na ng tunay at mapagpasyang pagbabago sa hanay ng agrikultura, kaya hindi siya natakot na ilagay ang isang leftist na lantarang kakampi at kaisa sa adyenda ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Kung hindi si Duterte ang nanalo sa pagkapangulo, paniyak hindi ito mangyayari.

Kung si Mar Roxas na kabilang sa angkan ng mga panginoong-maylupa tulad ni Noynoy Aquino ay pihadong itutuloy at imimintina ang umiiral na kalagayan at kaayusan alinsunod sa konsepto ng ‘tuwid naa daan.’

Pero, kung tutuusin ang buong sambayanang Pilipino ay nagulat din sa mga pangyayari dahil hindi nila alam ang eksaktong pagbabago na iknakampanya noon ni Duterte, sapagkat matingkad kay Duterte noon ang pagmumura, panduduro, pananakot, at pambabastos.

Makasaysayan ang pagkakaroon ng Pangulo at kalihim ng DAR na hangad at detemrinadong mabigyan ng lupang sasakahin ang mga magsasaka at manggagawang bukid na wala pang lupa hanggang ngayon, dahil initsapuwera sila sa repormang agraryo ng mga nakalipas na administrasyon, kabilang ang pinakahuli na pinamunuan ni Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Ang lahat ng nakalipas na Pangulo ng bansa mula kay Emilio Aguinaldo ay nagsalitang lahat hinggil sa ikabubuti ng buhay ng mga magsasaka.

Lahat sila ay nagyabang na mamamahagi ng lupain ang pamahalaan para sa magsasaka at pesante.

May ilang napatupad, ngunit ang pinakamarami sa kanilang mga sinabi ay pawang purong kasinungalingan.

Hindi madyik, o kathang isip ang determinasyon at kawalan ng takot nina Duterte at Mariano na ipamahagi ang mga lupain ng mga oligarkiyang panginoong-maylupa sa mga magsasaka at manggagawang bukid.

Ito ay resulta ng napakahabang panahon ng pakikibaka laban sa naaagnas na lipunan.

Sa loob ng pakikibakang ito ay mayroong kumadronang hindi nanawang magpairi ng lipunan na nauwi sa pagkaluklok sa Malakanyang ng isang ‘naiibang pangulo’ na kukuha ng mga kasama sa Gabinete upang samahan siya sa pagsusulong ng pagbabago.

Ang pangyayaring ito ay isang napakagandang oportunidad na dapat samantalahin ng mga makakaliwang puwersa, kabilang na ang mga komunista, upag paglingkuran ang napalawak na masang Pilipino gamit ang burukrasyang itinayo, inaruga, at pinalaki ng mga panginoong-maylupa, kapitalista, tradisyunal na pulitiko, at kapwa magnanakaw at mandrambong sa pamahalaan.

Hindi porke pamahalaan ito ng mga mayayaman, magnanakaw, at mandarambong ay hindi na ito magagamit na instrumento upang paglingkuran ng tapat at makabuluhan ang mamamayang Pilipino.

Puwede! Puwedeng-puwedeng gamitin para sa interes at kagalingan ng masa!

Ngunit, dapat isipin ng mga leftist sa administrasyong Duterte na sila ay hindi lamang kalihim ng mga maka-kaliwang puwersa at kanilang taga-suporta, kundi ng lahat ng mamamayang Pilipino, kabilang na iyong iba ang pampulitikang pananaw at paninidigan, ngunit walang habas na pinagsasamantalahan at minamaltrato ng naghaharing uri at ng pamahalaan.

Ang ginawang pamamahagi ng 358.22 ektaryang lupain ng pamilya Cojuangco at Aquino ay napakagandang desisyon, sapagkat nangangahulugang kaya palang banggain ang noo’y  mahirap banggain at patumbahin na oligarkiyang panginoong-maylupa.

Ang tinutukoy natin ay ang oligarkiya na nagkamal ng halos 5,000 ektaryang lupain upang tawaging panginoong-maylupa sa pamamagitan ng laway at koneksiyon.

Sanay simula pa lamang ito.

Sanay hindi lamang ang asyenda ng mga Cojuangco at Aquino.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like