“Sana Wala Nang Mamatay”—DD Eleazer

 
Ni: Paula Antolin
PARADA NG MGA KRIMINAL: Sila ay kasama sa mahigit 2,000 aminadong drug dealer at drug pusher na nagsipagsuko sa mga Quezon City Police District (QCPD) simula noong Hulyo 1. Ang pagsuko nila ay may kinalaman sa kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga sangkot sa droga. Umaasa si QCPD District Director, Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar (wala sa litrato) na madaragdagan pa ang mga susuko habang pinaiigting ng QCPD ang kampanya laban sa droga. (Rafael Taboy)
PARADA NG MGA KRIMINAL: Sila ay kasama sa mahigit 2,000 aminadong drug dealer at drug pusher na nagsipagsuko sa mga Quezon City Police District (QCPD) simula noong Hulyo 1. Ang pagsuko nila ay may kinalaman sa kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga sangkot sa droga. Umaasa si QCPD District Director, Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar (wala sa litrato) na madaragdagan pa ang mga susuko habang pinaiigting ng QCPD ang kampanya laban sa droga. (Rafael Taboy)

IGINIIT ni Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, ang bagong District Director ng Quezon City Police District (QCPD), na umaasa siyang wala nang mamamatay na mga drug dealer at adik sa Quezon City kaugnay sa kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa droga.

 Ang pahayag ni Eleazar ay sagot niya nang tanungin siya ng media na magaganap ba ng serye ng patayan sa Quezon City laban sa mga sankot sa droga.
 
Si Eleazer ang pumalit kay Chief Supt. Edgardo Tinio.
 
Si Tinio ay hindi binigyan ng posisyon sa PNP makaraang maganap ang malawakang balasahan nang umupo si Director General Ronald “Bato” dela Rosa noong Hunyo 30.
 
Si Tinio ay isa sa mga binansagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na protektor ng drug lords sa bansa.
 
Bukod sa kanya, kasama rin sina Director Joel Pagdilao, na sinibak sa pagiging hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), at Chief Supt. Bernardo Diaz, natinanggal sa paagiging hepe ng PNP-Visayas, na pawang ‘isinantabi’ dahil sa pagiging umano nilang protektor ng drug syndicates ayon kay Duterte.
Hindi rin nakalusot sina Deputy Director Marcelo Garbo at Chief Supt. Vicente Loot sa akusasyon ni Duterte.
 
Ang dalawa ay retirado na.
 
Silang lima ay pare-parehong tumanggi sa deskripyon ng Pangulo sa kanila.
    
Kung si Eleazar ang masusunod, hindi niya gustong mangyari ang makapatay ng mga drug dealer at drug addict ang mga tauhan niya sa QCPD, ngunit walang magagawa ang mga pulis kung manlaban ang mga kalaban ng mamamayan.

 

 Sa rekord ng QCPD, umaabot na sa anim ang lahat ng napapatay ng mga tauhan nito na may kinalaman sa droga.
 
Lahat ay pumalag sa mga pulis habang isinasagawa ang buy-bust operations, maliban kay Edres Domato.
 
Si Domato na matinding drug lord mulang Caloocan City ay sinalvage sa Quezon City noong unang linggo ng Hunyo.
 
Tadtad ng bala sa katawan si Domato.
 
Si Domato  na kapitan ng Brgy. Tala sa Caloocan City ay malawak ang operasyon ng shabu.
 
Bukod sa Caloocan, sakop din ng sindikato ni Domato ang Malabon City, Navotas City, Valenzuela City, Quezon City, at Bulacan.
 
Noong nabubuhay pa si Domato ay walang makagalaw sa kanya.
Kinatatakutan ang teritoryo niyang Barangay Tala sa Caloocan City.
 
Kahit ang mga pulis na noo’y pinamumunuan ni Senior Supt. Bartolome Bustamante ay hindi kayang pasukin ang Barangay Tala kung saan natural na umiiral noon ang ‘palengke ng shabu.’
 
Ang lahat ng lugar na ito ay pinaniniwalaang napakatalamak ng bentahan ng shabu.
 
Ayon kay Eleazar, sana sumuko na ang mga drug pusher at drug user sa Quezon City upang matapos na ang problema at salot sa mamamayan.
 
Sa rekord ng QCPD, higit na sa 2,000 ang lahat ng sumukong drug dealer at drug pusher mula noong ilunsad ang kanilang panawagang sumuko sa QCPD nitong Hulyo 1.
 
Sa magkakahiwalay na panayam, aminado ang mga nagsisuko sa krimeng kanilang nagawa.

You May Also Like