Sana patungong lahat sa pag-angat ng ekonomiya

 

 

KAUNA-UNAHAN sa kasaysayan ng Republika ng Pilipinas na ang Pangulo nito ay nakakuha ng 91 porsiyentong taas ng tiwala ng mamamayan sa kanya sa loob ng unang dalawang linggo pa lamang ng panunungkulan nito.

Ang nakuhang unang marka ni Rodrigo Duterte sa isinagawang sarbey ng Pulse Asia ay nangagahulugang gustong-gusto ng mamamayan ang kanyang mga ginagawa at pahayag laban sa iligal na droga, korapsyon, pagmimina, at iba.

Ngunit, huwag kalimutan na halos ang naging pokus ni Duterte sa unang dalawang linggo ay ang pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot, hindi pa ang korapsyon, regularisasyon ng trabaho, at  ekonomiya.

Kahit ang pokus niya ay droga, nangangahulugang may malaking epekto ang bigwas niya laban sa naturang kanser sa lipunan.

Bakit mataas ang tiwala?

Ipinakita ni Pangulong Duterte na tapat siya sa pagkakamit ng  pagbabago na dapat mangyari sa Pilipinas.

Pinatutunayan niya na kayang maganap ang pagbabago kung gugustuhin ng Pangulo.

Kaya, kahit kaliwa’t kanan ang pagpatay sa mga tulak ng shabu ay hindi naging hadlang ito upang hindi makakuha ng 91 porsiyentong tiwala si Duterte mula sa mamamayan.

Palagay namin, napapahanga ang taumbayan sa ginagawa ni Duterte—na hindi nagawa ng mga nakalipas na Pangulo, lalo na ang pinalitan niyang Pangulo na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd –tulad ng pagbubunyag ng mga heneral na protektor ng malalaking diyos ng sindikato ng iligal na droga, panlalantad ng organisasyon ng sindikato ng droga, pagpapangalan sa tatlong pangunahing drug kingpin sa bansa, pagbira sa iligal na pagmimina, at iba pa.

Ang kanyang ginawa ay naglantad sa mamamayang Pilipino kung gaano talaga katalamak ang droga sa Pilipinas.

Ang laki ng bilang ng mga nagsipagsuko, namatay, at naaresto nang dahil sa droga ay nakita at napatunayan ng mamamayan na sobrang lala pala talaga ng pag-iral ng iligal na droga sa bansa.

Ibig sabihin, kung hindi pa si Duterte ang naging Pangulo ng bansa ay tiyak na patuloy na iiral ang droga, tiyak patuloy na mamayagpag ang mga protektor ng sindikato ng droga, tiyak mamamayagpag ang tatlong drug kingpin kung saan dalawa sa kanila ay matagal nang nakakulong sa New Bilibid  Prison (NBP), at posibleng mangyari ang sinasabi ni Duterte na balang araw ay iiral sa Pilipinas na ang nagpapatakbo ng pamahalaan mulang lokal na yunit hanggang Malakanyang ay ang sindikato ng droga.

Maaga pa naman ang panahon.

Wala pang 100 araw si Duterte sa Malakanyang.

Tiyak marami pang mangyayari sa iba’t ibang aspeto ng lipunang Pilipino.

Kaya, kaabang-abang ang lahat ng mga magaganap sa mga susunod na araw, linggo, at buwan.

Ang sa amin lang dito sa Tapat News online ay huwag sanang kalimutan ang pagpapaangat sa buhay ng mamamayan, lalo na ng mga ordinaryong tao.

Huwag sanang kalimutan ang pangako ni Duterte noong panahon ng kampanya na wawasakin ng kanyang administrasyon ang kontraktuwalisasyon na patuloy na nanamantala sa mga manggagawa, huwag sanang kalimutan na dapat ring itaas ang sahod ng mga manggagawa at mga guro—hindi lamang ng mga pulis at sundalo.

Huwag din sanang mawala sa adyenda ng administrasyong Duterte ang pagwasak sa matinding kahirapan at kagutuman ng maraming Pilipino.

Sa madaling salita, ang lahat ng kanyang gagawin ay mapunta sa tunay na pag-angat ng ekonomiya na tapat at tunay na mapapakinabangan ng milyun-milyong mahihirap na mga Pilipino—at hindi ng iilang milyonaryo at bilyonaryo.

You May Also Like