Sana huling pangako na ito

Maraming pangako ang administrasyong Duterte sa mamamayang Pilipino hinggil sa agrikultura ng ating bansa.

Pangunahin na ang sinasabi ng uupong pinuno ng National Economic and Development Authority (NEDA) na si Propesor Ernesto Pernia ng Dalubhasaan ng Ekonomiya sa Unibersidad ng Pilipinas na malaki ang gagampanang papel ng agrikultura sa patuloy na pagpapaunlad at pag-papaangat ng ekonomiya ng bansa.

Sabi ni Pernia, ililipat ang sigla ng mga pang-ekonomiyang aktibidad sa mga lalawigan mula sa Metro Manila.

Kasama rin ang pagkasa ng “service economy” sa mga lalawigan na inaasahang magpapasigla ng ekonomiya sa mga ito.

May binabanggit din si Manny Pinol, ang magiging kalihim ng Department of Agriculture (DA) sa bagong administrasyon, na kailangang tanggalin na ang bayad ng mga magsasaka sa irigasyon, sapagkat dagdag-gastos at bawas kita pa ito sa kanila.

Kailangan din daw na pataasin ang produksiyon ng palay upang matapos na ang pag-angkat natin sa ibang bansa, tugon pa ni Pinol.

Titiyakin naman ng lider ng mga pesante na si Rafael Mariano na maibibigay ang mga lupa ng mga magsasaka alinsunod sa repormang agraryong programa ng pamahalaan kung maupo na siyang kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Sa datos ng DAR, umaabot pa sa higit 50,000 magsasaka ang hindi nabigyan ng sariling lupa hanggang ngayon alinsunod sa pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ang CARP na pinasimulan noong 1987 kung saan si Corazon Aquino pa ang pangulo ng bansa ay lumilitaw na hindi pa rin nakakamit ang pangunahing layunin: ang mabigyan ng sariling lupang sasakahin ng mga magsasaka.

Napakaraming pangako, sapagkat napakaraming suliranin sa agrikultura ang Pilipinas.

Napakaraming mungkahing solusyon, sapagkat napakaraming suliranin sa agrikultura.

Sa unang tingin, nakatutuwa dahil binibigyan ng pagpapahalaga ng administrasyong Duterte ang kalunos-lunos na kalagayan ng agrikultura at mga magsasaka.

Sa kabilang banda, nakalulula rin ang mga pangako ng bagong administrasyon na para bang abot kamay na ang kaginhawaang matagal nang hinahanap ng mga magsasaka at tunay na pag-unlad ng agrikultura.

Ngunit, huwag nating kalimutan na palagi namang ganyan ang bagong administrasyon: napakatamis ng dila sa simula at nagtatapos sa ubod nang paklang panlasa.

Sino ba sa mga nakalipas na administrasyon ang hindi nangako at nagpanukala ng kumikinang na mga solusyon sa higit isang siglo nang suliranin ng agrikultura at magsasaka noong magsisimula silang manungkulan?

Hindi ba’t ganyan din ang mga naganap mula kay Emilio Aguinaldo hanggang kay Manuel Quezon hanggang kay Benigno Aquino 3 rd?

Hindi ba’t sila ay nangakong lahat para sa mga magsasaka, pero ano ang nangyari?

Sana huling pangako na ito.

You May Also Like