Sahod Itaas, Kontraktuwalisasyon Wakasan

 

 

ANG mababang sahod at patuloy na pag-iral ng kontraktuwalisasyon ang dalawang pangunahing suliraning pasan-pasan ng mga manggagawa hanggang sa kasalukuyan.

Mga suliraning matagal sumasakal sa mahigit 67 milyong manggagawang Pilipino.

Naging popular na isyu ang mga ito nang pag-usapan ng mga kandidato sa pagkapangulo at pangalawang pagkapangulo nitong nakalipas na halalan.

Maraming kandidato ang lantarang nangako, kabilang na ang nanalong Pangulo na si Rodrigo Roa Duterte, laban sa kontraktuwalisasyon at mababang sahod ng mga manggagawa.

Ang isyung ito ng uring manggagawa ay napakahalaga, ngunit bakit hindi pangunahan, o pakilusin ng Communist Party of the Philippines (CPP) at mga prenteng organisasyon nito sa ligal, upang maging malaganap ang panawagang maitaas ang sahod ng mga manggagawa at pagwawakas sa kontraktuwalisasyon?

O, baka totoo ang balita na maliit na pangkat na lamang ang pangkat ni Jose Ma. Sison, kaya hindi na nito kayang magpakilos at maningil sa kapitalista at pamahalaan ng mga pagkakautang nito sa mamamayan, kabilang na sa uring manggagawa.

Sa dalawang isyung ito, kailangang malakas at malaganap ang pagkilos ng manggagawa upang maobliga si Pangulong Duterte na puwersahin ang sandamakmak na mga kapitalista na itigil na ang kontraktuwalisasyon at patuloy na mababang sahod sa bansa.

Kapansin-pansin na kakaunting manggagawa lamang ang naninindigan at nanawagan sa Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa kontraktuwalisasyonat pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

Ang regular na kumikilos at Federation of Free Workers (FFW), Bukluran ng Manggagawwang Pilipino (BMP), Partido Manggagawa (PM), Associated Labor Unions (ALU), at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).

Wala na ang dating napakalakas na Kilusang Mayo Uno (KMU), Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Gabriela, Anakpawis, at wala ang mga personaheng sina Satur Ocampo, Neri Colmenares, Teddy Casino, Nats Santiago, at Renato Reyes.

Wala ring direktiba si Jose Ma. Sison upang pakilusin ang kanyang natitirang samahan upang agresibong ilarga ang kampanya upang itaas ang sahod ng mga manggagawa at wakasan na ang kontraktuwalisasyon.

Hindi ba’t malaking mga usapin para sa uring manggagawang itinuturing na pangunahing puwersa sa pakikibaka ng mamamayang laban sa sistemang kapitalismo kumpara kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Walang dudang isyu ang tungkol sa paghihimlay ng mga labi ni Marcos, ngunit mas malaki at mahalagang isyu ang tungkol sa sahod ng mga manggagawa at kontraktuwalisasyon.

Pero, kahit sa araw ng pagdiriwang ng kaarawan ni Andres Bonifacio ay tungkol sa libing ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) ang naging pangunahing isyu isinigaw ng mga nagprotesta kaysa ang pagpapatigil sa kontraktuwalisasyon at ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa.

Ang dalawang isyung ito ay pawang mahalaga sa mahigit 67 milyong manggagawa ayon na rin sa resulta ng sarbey ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS) at hindi ang tungkol kay Marcos.

Mainam sana kung nagprotesta ang mga anti-Marcos sa harapan ng gusali ng DOLE sa Intramuros Manila upang obligahin sina Labor Sec. Sylvestre Bello III at Usec. Joel Maglungsod na igiit ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa at itigil ang kontraktuwalisasyon.

Dapat tulungan ng iba’t ibang sektor ang uring manggagawa sa laban nito.

Maaaring ito pa ang maging mitsa upang muling bumangon ang kilusang paggawa sa Pilipinas na matagal nang bumagsak at itinali sa isang poste, sapagkat walang mahusay na pinuno na magkukumpas dito.

Hindi naman maaaring si Jose Ma. Sison, sapagkat napakaraming manggagawa anng hindi siya kilala at hindi bilib sa kanyang pamumuno at pamamahala ng kilusang kaliwa, sapagkat halos tatlong dekada na siyang nagpapasarap sa The Netherlands.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like