Saan Ka Masaya?

The Jumping WallMaraming dahilan para maging masaya ang isang tao. Ang isang bata ay maaaring maging masaya sa isang pirasong tsokolate na pasalubong ng kanyang tatay. Ang isang empleyado naman ay kontento sa isang promosyon sa trabaho na magbibigay sa kanya ng mas malaking suweldo. Para naman sa isang lalaki, ang ligaya niya ay ang makamit ang matamis na “oo” ng kanyang pinakasisintang dalaga.

Iba-iba man ang pinanggagalingan, wala tayong kakayahan para masukat ang kaligayahan ng isang tao. Maaaring tawagin natin itong mababaw o malalim pero ito ay kadalasang patungkol lang sa pinanggagalingan at hindi ang mismong resultang kaligayahan na dinudulot nito sa tao. Subalit ang pagiging malalim o mababaw ay nakadepende sa tumitingin at hindi sa tumatanggap. Maaaring ang isang bagay na nakapagpapasaya sa iba ay walang epekto sa ‘yo, samantalang ang mga bagay na hindi naman pinapansin ng iba ang siyang ninanais mo namang makamtan.

Hindi magkakatulad ang nagdudulot ng kaligayahan sa bawat isa sa atin. At sa aking palagay, ito ay hindi isang aksidente. Ito ay dinisenyo ng Diyos sa mga tao upang ang bawat isa sa atin ay maging posibleng panggalingan ng kasiyahan ng ating kapwa. Maaaring may mga bagay na mayroon ka na hindi mo kailangan o maaaring ikaw ay mayroong sobra. Subukan mo itong ibahagi sa iba. Kung ito man ay balewala sa iyo, puwedeng ito ay magdulot ng ibayong ligaya sa iba.

Hindi rin ito kailangang maging materyal na bagay. Maaaring ito ay ngiti, pagbati, pagtanggap, pagpapatawad o kaya naman ay oras para sa iyong kapwa. Ito ang pagiging maligaya sa pamamagitan ng pagbahagi ng kasiyahan sa iba. Ang pag-iisip ng para lang sa sarili habang alam mong may ibang taong nahihirapan ay hindi magdudulot ng pangmatagalang kaligayahan. Ito ay pagiging makasarili. Ang tunay na kaligayahan ay ang kabaligtaran — ang pagbibigay ng sarili para sa iba.

You May Also Like