Saan ba ang pwesto ni Kristo sa buhay mo?

The DreamerIsa ba kayo sa mga Katoliko na Katoliko lamang sa pangalan, ngunit hindi sa pananampalataya? ‘Yun bang tipong hirap na makita ang ganda ng pagiging isang Katoliko at hirap maintindihan kung ano ang pinagsasabi ng mga nababaliw sa Panginoon?

O, may kakilala kayo na ganun. Pilosopo. Galit sa mundo. Handang makipagdebate tungkol sa relihiyon.

Nakakalungkot lalo na kung malapit sa puso mo ang taong ganito. Nakaka-frustrate kasi kahit anong sabihin mo, kahit anong gawin mo, hindi tumatalab. Minsan, ipagdarasal mo pa na gabayan ka ng Holy Spirit para turuan ka kung ano ang dapat sabihin. Pero, ‘di talaga umuubra.

Ganoon talaga, kapatid. Mahirap talaga maabot ang isang tao na iba ang mundong ginagalawan. Mahirap magkaintindihan ang dalawang taong magkaiba ang salita o lenggwahe. Para mong pinagharap ang Bisaya at Ilokano. Hindi talaga magkakaintindihan.

Ang pagkakabatid ko, kadalasan, ang mga taong hirap tanggapin ang Diyos sa kanilang buhay ay ang mga taong self-centered o mga taong sobrang magmahal sa sarili na wala na silang puwang sa puso nila para sa ibang tao. Pag-isipan niyo, pansinin ninyo. Tama, ‘di po ba?

Makasarili nga eh, so hindi sila sensitibo sa pangangailangan ng iba. Kaya hirap silang tanggapin ang mga konsepto ng pagmamahal, sakripisyo, pagpepenitensiya, pag-aayuno, pagpigil sa sarili, atbp.

Pero, ‘pag si Kristo ang nasa sentro ng iyong buhay, nakangiti ka pang tatanggapin ang anumang pahirap na dumating sa buhay mo. Iba kasi ang iyong batayan — hindi ang sarili — si Kristo. Kaya pasok agad sa iyo ang mga turo ng Simbahang Katoliko. May pinagbabasehan ka na kasi. Mas madaling iugnay ang isang konsepto sa aplikasyon nito sa buhay kasi andiyan ang buhay ni Kristo bilang halimbawa at gabay.

‘Pag si Kristo ang nasa sentro ng iyong buhay, magtatampo ka pa nga ‘pag wala kang hirap na dinaranas, “Lord, bakit ikaw lang ang nakapako diyan sa krus? Sama mo ako diyan. Ang lagay eh ikaw lang ang nahihirapan? Pahingi naman niyan.”
Ang tunay na Katoliko, gusto na dinadamayan si Hesus sa kanyang paghihirap.

You May Also Like