SA “FOREIGN POLICY” MAKIKIPAGHIWALAY ANG PILIPINAS SA AMERIKA—DUTERTE

 

NAGLILINAW PO: Nagpaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte ng kahulugan ng pakikipaghiwalay ng Pilipinas sa Estados Unidos ng Amerika.
NAGLILINAW PO: Nagpaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte ng kahulugan ng pakikipaghiwalay ng Pilipinas sa Estados Unidos ng Amerika.

Ni: Roy Bersales

 

NAGLINAW si Pangulong Rodrigo Duterte sa mamamayang Pilipino hinggil sa kanyang deklarasyon sa China na makikipaghiwalay ang Pilipinas sa Estados Unidos ng Amerika.

Idniin ni Duterte na “foreign policy” ang tinutukoy niyang pakikipaghiwalay sa Amerika at hindi ang anumang ugnayan ng dalawang bansa.

Aniya, parehas pa rin ito sa kagustuhan niyang magkaroon ng patas na pagtrato ng Amerika sa Pilipinas.

Ang ibig sabihin nito ay hindi dapat dinidiktahan ng Estados Unidos ng Amerika ang Pilipinas sa pagpapatakbo at pamamahala sa ekonomiya, pamahalaan, militar, at terorismo.

Ang deklarasyon ni Duterte hinggil sa pakikipaghiwalay ng Pilipinas sa makapangyarihang bansa ay umani ng kaliwa’t kanang atake mula sa iba’t ibang indibidwal, lalo na sa mga sagad-saring maka-Amerikano.

Umani rin ito ng iba’t ibang interpretasyon, sapagkat ang pahayag ni Duterte ay hindi eksakto kung anong aspeto ng relasyon ng Amerika at Pilipinas ang hangad niyang tibagin.

Iginiit ni Duterte na hindi puwedeng makipaghiwalay nang basta-basta ang Pilipinas sa Amerika sa maraming bagay na pinag-uugnayan nito sa isa’t isa, sapagkat wala sa kapangyarihan ng Pangulo na gawin ito nang walang ligal na pahintulot ang ibang sangay ng pamahalaan.

Ang kagustuhan ni Duterte na magkaroon ng “kalayaan” at maging “patas” na relasyon ng Pilipinas at Amerika ay higit nang isang buwang ipinalulutang ng Pangulo sa publiko sa pamamagitan ng media, ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang binabalangkas na malayang patakarang panlabas ang Department of Foreign Affairs (DFA), kaya wala pang malinaw na bagong patakarang panlabas ang administrasyong Duterte na ipapalit sa umiiral na polisiya.

Ang espesyal na relasyon ng Pilipinas at Amerika ay nagsimula noong panahon pa ni Emilio Aguinaldo makaraang ipalit nito si Pedro Paterno kay Apolinario Mabini bilang kalihim ng DFA.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like