Sa Dako pa roon

yenHindi na pinahintulutan ng bansang Saudi Arabia na maextend ang amnesty ng mga illegal migrants sa kanila. Naku, paano na ang mga kababayan natin na ayon sa mga ulat ay may tinatayang 108,000 ‘undocumented overseas Fiipino workers’ roon?
Hindi biro ang buhay ng isang OFW. Ang iwan mo ang sariling bayan na kinalakhan para maghanapbuhay sa ibang lupain. Ito ay isang napakalaking sakripisyo, lalo na kung ikaw ay isang pamilyadong tao.

Gayunpaman, ayon kay vice president Jejomar Binay na hindi dapat mangamba ang mga OFW sa Saudi na kasalukuyang inaayos ang kanilang mga working permit at iba pang documents dahil hindi ito huhulihin. Ang mga nanganganib na mahuli ay ang mga kababayan nating nagtatrabaho na hindi pa rin nag-apply ng repatriation o ang pagsasailalim sa proseso ng pagbabalik sa kanilang kinagisnang bansa.

Siniguro rin ni Binay na mayroong dalawang bilyong piso na pondo na nakalaan para sa mga Pilipinong nais bumalik ng Pilipinas.

Ayon sa talaan ng Department of Foreign Affairs, mayroon nang humigit kumulang na 1,500 na mga OFWs na nasa pangangalaga ng Philippine Embassy sa Saudi Arabia na naghihintay na lamang ng kanilang mga immigration clearances at exit visa habang ang Philippine Embassy naman sa Riyadh at Jeddah ay may mahigit 4,500 repatriation cases at nakapag release na ng travel documents sa may mahigit 10,700 na mga OFWs.

Hindi natin masisi ang mga kababayan natin na nakikipagsapalaran sa ibang bansa kahit sa illegal na paraan, ito ay dahil na rin sa kahirapan at unemployment rate sa Pilipinas. Hindi pa nga nabanggit ang mga kababayan nating minamaltrato ng amo at nagtitiis para lamang kumita ng pera sa ibang lupain.

Hanggang kailan kaya ganito ang Pilipinas? Sana bago ako lumisan sa mundong ito ay makita ko si Juan Dela Cruz na hindi na kailangang pumunta sa dako pa roon upang maghanap ng swerte.
(re4teraker@hotmail.com)

You May Also Like