Robredo vs Marcos, ‘main event’ sa eleksyon ayon sa isang international feminist

Kung boksing ang pinaglalabanan sa pagitan nina Camarines Sur Rep. Leni Robredo at Sen. Bongbong Marcos, ito ang magiging main event sa darating na Mayo 9, ‘yan ang sinabi ni Ninotchka Rosca sa isang online na panayam kahapon.

“Ang dalawa ay representasyon ng magkatunggaling pananaw at moralidad, hindi lamang sa eleksyong ito, kundi sa kabuuang pulitika ng Pilipinas,” wika sa Ingles ng premyadong manunulat.

Ayon kas Rosca, international spokesperson ng Purple Rose Campaign ng grupong GABNet, ang isa ay nangangampanya batay sa sariling kakayahan, pulitikal na pananaw, at reputasyon. Ang pangalawa ay tumatakbo sa anino ng nakaraan ng kan’yang ama at pilit na nagkukubli sa mga pang-aabuso nito.

“Ang una may solidong karakter; ang pangalawa, mababaw,” aniya.

Ayon naman kay Dr. Bayani Santos, direktang apo ni Lope K Santos at premyadong manunulat sa wikang Filipino, ang main event sa darating na halalan ay hindi lamang sa pagitan nina Rebredo at Marcos na magkatunggali sa vice presidential race.

“May punto si Rosca, pero ang main event ay hindi lang sa vice presidential derby kundi maging at lalo na sa presidential race,” diin ni Santos.

Nasa crossroad ngayon ang bansa at may mga indikasyon na may mga indibidwal at grupong gustong ibalik ang autoritaryanismo, aniya.

Sa mga naunang pahayag, inamin ni PDP-Laban standard-bearer Rodrigo Duterte ang kanyang pagkiling sa batas-militar bilang epektibong paraan sa pagsugpo sa kurupsyon at kriminalidad sa bansa.

Ngunit ayon sa kanya, sa huling presidential debate sa Pangasinan noong Abril 24, walang rebelyon sa bansa sa kasalukuyan upang ipataw ang batas-militar.

Duda naman ang ilang indibidwal at grupo dito.

Sa mga huling pahayag sa midya, itinanggi naman ni Marcos na may mga tagong-yaman ang kan’yang pamilya at iginiit na makatwiran ang pagdeklara ng kanyang ama sa batas-militar.

Nanguna si Robredo sa huling survey ng Social Weather Stations na nakakuha ng 25 porsyento. Pumangalawa si Marcos na may 24 porsyento. (Tapat News)

 

 

 

 

 

You May Also Like