Robredo: ‘Serye ng Pagpatay sa mga Tulak ng Shabu, Nakababahala na!’

 

 

Ni: Marites Badilla

TODO-SUPORTA si Bise-Presidente Leni Robredo sa gyera ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga, ngunit hindi na niya magustuhan ang serye ng pagpaslang sa mga tulak ng shabu, kaya siya ay nanawagan sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang sunud-sunod na namatay dahil sa droga.

Tiniyak naman ng tagapagsalita ng PNP na si Senior Supt. Dionardo Carlos na iniimbestigahan ng pamunuan ng pambansang pulisya ang serye ng pagpatay sa mga tulak ng shabu.

Kasabay nito, nakiusap si Carlos sa mga taong kumukuwestiyon sa ligalidad ng operasyon ng pulisya laban sa mga sangkot sa droga na magsampa ng kaukulang kaso sa korte.

Ayon kay Robredo, labis na siyang nababahala sa serye ng patayan ngayon sa bansa, kaya tahasan niyang kinondena ang serye ng “extrajudicial killings” o ‘salvaging.”

Sa nakalipas na anim na taon kung saan namamayani ang Liberal Party (LP) ay hindi agresibo ang kampanya ng adminitrasyong Aquino laban sa droga kahit alam na alam nito na talamak ang nasabing suliraning sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), 194 suspek na tulak ng shabu ang mga namatay simula Hulyo 1 hanggang 19.

Umabot naman sa 103,375 ang aminadong tulak ng shabu at adik ang boluntaryong sumuko sa mga alagad ng batas sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang mga naaresto naman ay umabot sa 2,901 lahat mula Hulyo 1 hanggang 19 pa rin.

Idiniin ni Robredo na “walang saysay at hindi makatarungan ang  karahasan, kaya nararapat lamang na itigil na ito.”

“Hindi dapat pairalin ang kultura ng takot sa ating lipunan—iyon bang tinatanggap na lamang nang walang kuwestiyon ang pagpaslang ng tao at hindi gumagalang sa buhay ng tao,” patuloy ni Robredo.

Tahasang nanawagan ang Bise-Presidente sa mamamayang Pilipino na magkaisa at ipagtanggol ang karapatang pantao ng mga Pilipino.

“The rise in extrajudicial killings is a call for all of us to uphold every person’s right to due process. Each of those Filipinos who were killed over alleged crimes were denied their right to a fair trial, and those lives may never be returned to their loved ones,” diin pa ni Robredo.

Ani Robredo, babanggitin niya ang nasabing isyu sa susunod na pulong ng Gabinete dahil hindi niya ito nabanggit sa pinakaunang pulong ng Gabinete ng administrasyong Duterte.

You May Also Like