RH Law, dagdag pahirap

vol 2 no 5

Sa darating na Abril 8, tatalakayin sa huling deliberasyon ng Korte Suprema ang Republic Act (RA) 10354 o kilala bilang Reproductive Health (RH) Law. Ayon sa mga nagsusulong nito, ang RH Law ang sagot sa kahirapan ng bansa na pinaniniwalaang kokontra sa paglobo ng populasyonkung saan, ang malaking populasyon ay nagdudulot diumanong kakulangan sa pagkain at trabaho.

Maganda man ang hangarin, taliwas ito sa kanyang layunin. Ang matinding kahirapan ng bansa ay dulot, hindi ng kakulangan kung hindi, ng kagahamanan ng iilan. Kahit saang palengke sa Maynila kitang mas mauunang mauubos ang perang pangpalenke at hindi ang bilihin. Ibig sabihin,ang problema ay nagkukulang na ang karaniwang Pilipino sa panggatos, sanhi na rin ng patuloy na pagtaas ng bilihin, habang nananatiling maliit ang sinasahod.

Tila nakatuon sa mga mahihirap ang RH Law sa kadahilanang ang mga mahihirap nating kababayan diumano ang karaniwang may maraming anak at hindi naman natutugunan ang pangangailangan ng mga ito. Totoo ito, ngunit ang paraan upang ma-solusyunan ito ay ang paglikha ng mga trabaho upang matugunan ang mga pangangailangan.

Sinasabi rin na walang kontribusyon sa ekonomiya ang mahihirap kaya dapat lang na sila ay bawasan. Ang ganitong pananaw ay makasarili. Ang mahihirap nating kababayan ang siya mismong nagpapalago sa ating ekonomiya. Napansin ba ninyo ang tila pagdagsa ng mga produktong mabibili ng tingi? Sachet ng shampoo, mantika, kape — halos lahat na ata ng produkto ay may tingi. Ito ay dahil ang bawat mahirap nating kababayan ay may kakayahang bumili lamang ng tingi. Madalas din sinasabing hindi naman nagbabayad ng tax ang mga mahihirap. Tila sobra na itong pagmamaliit sa ating mga naghihirap na kababayan. Hindi alam ng karamihan na bawat produktong nabibili, maging ang pagsakay sa tricycle at jeep, ay may porsiyentong napupunta sa buwis.
Lingid din sa kaalaman ng karamihan na upang matupad ang adhikain ng RH Law ay mangangailangan ng karagdagang tax na siyang magbibigay ng pondo bilang pangbili ng pills at condoms. Maging ang mga tutol dito ay walang magagawa. Napakalaki ng 13.7 bilyones kada taon na gagastahin sa RH Law. Sapat na ang ganitong kalaking pondo upang makapagbigay ng edukasyon para sa libo-libong mahihirap. Ang napakalaking halaga na ito ay kukunin din naman sa atin at hindi ito tulong at solusyon kung hindi dagdag pahirap lamang sa ating naghihikahosna mga kababayan.

Sa pagpasa noon ng Value Added Tax (VAT) lumobo ng halos doble ang bilihin gaya na lamang ng gasolina na nagkakahalaga lamang ng P25 ay pumalo na ng P45. Kapag ang RH Law ay pinagtibay ng Korte Suprema asahanna natin ang bigat na ikakarga nito sa ating mga balikat.

Hangga’t maaga dapat ay maging mapanuri tayo sa mga batas na ipinapanukala. Hindi natin alam na kadalasan ang mga batas na naipapasa na akala natin ay makatutulong ay siya mismong tuluyang maglulugmok sa atin sa kahirapan. At kung may makikinabang man sa RH Law, ito ay ang mga kumpanyang gumagawa ng pills at condoms kaya ganoon na lamang ang kanilang suporta sa batas, kaya ganoon na lamang ang kanilang pagbuhos ng pondo maipatupad lamang ang RH Law na dagdag pahirap.

You May Also Like