Retiradong Pulis-Crame, Patay sa Ambush sa QC

PATAY ang isang retiradong pulis matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng haapon sa Quezon City.
 
Ang biktima ay nakilalang si PO3 Elegio U. Pascual.
 
Ang 55-anyos na si Pascual ay itinumba sa harapan ng kanyang bahay sa Area 5, Sitio Cabuyao, Brgy. Sauyo, sa Novaliches ng nasabing lungsod.
 
Ayon sa mga imbestigador, halos mag-aalastres na nitong Miyerkules ng hapon nang bumulagta si Pascual makaraang barilin ito ng dalawang ulit sa kanyang dibdib.
 
Mabilis na itinakbo ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan, ngunit idineklara siyang patay ng mga doktor pasado alas 7:00 ng gabi.
 
Si Pascual ay nagretiro sa Philippine National Police (PNP) dalawang taon na ang nakalilipas.
 
Ang huling trabaho ni Paascual sa PNP ay sa Headquarters Support Service (HSS) ng  Camp Crame sa Quezon City.
 
Idiniin ng kanyang pamilya na kailanman ay hindi nasangkot sa aanumang krimen si Pascual, kahit pa saa droga, noong ito ay nasa serbisyo pa.
 
Kaya, nagulat sila nang malaman nilang itinumba ito sa mismong harapan paa ng kanyang bahay.
 
Ngunit, nadiskubre ng mga nag-iimbestiga ng kaso na maraming nakaalitan si Pascual noon, sapagkat palagi itong nagwawala at naghahamon ng away tuwing nalalasing.
 
Ipinagmamalaki umano ni Pascual na siya ay malakas sa Crame dahil dati siyang nakadestino sa nasabing pambansang himpilan ng PNP.
  
Umaasa naman ang kanyang pamilya na matutukoy ang utak at gumawaa ng krimen upang makamit ang katarungan sa pagkamatay ni Pascual.
 
Tiniyak naman ng mga pulis Quezon City na gagawin nila ang lahat ng kanilang magagawa upang matukoy ang lahat ng mayroong kinalaman sa krimen. (Paula Antolin)

 

Propellerads

You May Also Like