Resulta ng halalan may kredibilidad nga kaya?

vol 1 no 10

Magtatatlong linggo na ang lumipas, ngunit mainit pa rin ang usapin hinggil sa nakaraang midterm election kung saan kaliwa’t kanan ang mga nagsisilabasang isyu tungkol sa diumanu’y dayaan, pagmamaniubra at kapalpakan ng Commission on Elections (Comelec).

Napakarami na ang bumatikos sa Comelec at kay chairman Sixto Brillantes. Nandiyan ang hinaing tungkol sa ‘60-30-10’ kung saan lumabas diumano ang bilang sa lahat ng lugar na may 60 porsyento ang Liberal Party, 30 porsyento sa UNA at 10 porsyento naman sa iba pang partido at independent, kesehodang may balwarte-balwarte; pare-pareho pa rin ang resulta.
Inamin na rin ni chairman Brillantes na may pagkakaiba ang resulta ng Random Manual Audit (RMA) kontra sa tala mula sa mga PCOS machines.

Sinasabing may halos ¼ ng kabuuang bilang ng mga PCOS machine o 19,500 mula sa kabuuang bilang na 78,000 ang nagkaproblema sa pagpapadala ng resulta.

Ngunit sa dami ng patutsada sa Comelec at kay Brillantes, tila kakaunti o ‘di kaya’y wala man lamang kumukwestiyon sa Smartmatic na siyang nangangalaga at nagpapatakbo sa mga naturang PCOS machines.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source na ayaw magpakilala, may mga gumagawa ng hakbang upang magsagawa ng malawakang pagiimbestiga sa dimumano’y nangyaring dayaan. Ayon din sa nasabing source, may ilan nang technicians ng Smartmatic ang nagpahiwatig na isiwalat ang kanilang nalalaman. Ito ay matapos sila ay diumano’y pangakuan ng limpak-limpak na salapi, ngunit bigo namang mabayaran matapos ang trabahong pagmamaniubra.

Ilan sa mga ito rin ang nagdadalawang isip dahil malalaking tao diumano ang mga nag-utos na maniubrahin ang naturang mga resulta. Maaaring naging maingat nga ang Comelec, ngunit dahil na rin Smartmatic ang may hawak sa mga technicians sino nga naman sang makakaalam kung tama pa ba ang kanilang ginagawa?

Marami pang pangyayari ang dapat maipaliwanag nang malinaw. Gaya na lamang ng pag-review sa source code na pinagbigyan naman ng Comelec at ilan sa mga nag-review diumano ay ang Liberal Party, ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, at ang Pwersa ng Masang Pilipino, kasama na ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting. Nakatatawang isipin na ma-rereview nga ng mga ito ang isang source code kung may laman itong malicious code. Ang malicious code ay isang utos sa computer na maaaring gumawa ng hakbang taliwas sa tamang utos. Hindi nadadaan sa pagtingin sa CD ng source code ang pag-review nito.

Isa pa ay ang CF cards. Ito ang nagtataglay ng impormasyon ng presinto, bayan, siyudad at bilang ng mga boto. Isa sa pangunahing security requirement nito ay ito ay kailangang isang beses na masusulatan o malalagyan ng data at maraming beses na mababasa. Isang paraan ito upang hindi na mabago pa ang nilalaman dahil nga isang beses lamang ito masusulatan ng datos. Ngunit tila nagtiwala ang Comelec sa Smartmatic kahit pa overpriced ang mga ito at tinanggap ang mga rewritable na CF cards. Kapag sinabing rewritable, ibig sabihin maaring sulatan ng paulit-ulit o ‘di kaya’y palitan ang orihinal na laman nito.
Kung sakaling may aberya napakadaling palitan ang CF cards na may taglay na bilang ng boto. Halimbawa, ang isang PCOS ay hindi nakapagpadala ng election returns dahil may mga error ang impormasyon na nasa CF cards. Palitan lamang ito, maaari na itong magpadala ng election returns na iba sa aktuwal na bilang ng boto.

Kung totoo man lahat ito, masasabi pa kayang may kredibilidad ang resulta ng nakaraang halalan? Siguro dapat lamang na magkaroon ng manual count o mano-manong bilangan. Tanging ito lamang ang makapagbibigay ng kasagutan. Kung gugustuhin, kakayanin ito, ngunit kung may itinatago, talagang aayawan. At siguro sa susunod na halalan, dapat nang ibasura na ang serbisyo ng Smartmatic. Hindi naman talaga ito ang eksperto pagdating sa automated election, bagkus ito’y isang dealer lamang. Naisahan ata tayo, mga kabayan.

You May Also Like