Reporma sa sistemang pulitikal, isama sa Federalismo

 

 

 Ni: Boy Celario
 
KAILANGAN repormahin ang sistemang pulitikal sa Pilipinas upang matiyak na hindi ito papabor sa pagpapatuloy ng political dynasty.
 
Idiniin ito ni Dr. Prospero De Vera, bise-presidente para sa Public Affairs ng University of the Philippines, dahil kung hindi magkakaroon ng reporma sa sistemang pulitikal ng bansa ay walang kahahantungan ang federalismo kung papabor ito sa mga pamilyang matakaw sa kapangyarihan.
 
Ayon kay De Vera, kailangang matiyak na hindi makapupuwesto ang poltical dynasty sa bagong sistema.
 
Ang ibig sabihin ng political dynasty ay sabay-sabay na nakapuwesto ang iba’t ibang miyembro ng isang pamilya sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
 
Maaaring sumabay ang mga kamag-anak na nakapuwesto rin sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.  
 
Ang pagtatransporma ng sistemang pulitikal sa federalismo mula sa presidensiyal ay isa sa pangunahing adyenda ng administrasyong Duterte.
 
Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na higit pang uunlad at magkakaroon ng pantay na pag-unlad sa lahat ng panig ng bansa kung federalismo ang sistema ng pamahalaan ng bansa.
 
Idiniin ni De Vera na kailangang matiyak na sa paglipat sa federalismo, hindi ito magiging sandata ng mga pulitiko upang mapanatili ang political dynasty.
Ayon naman kay dating Senate President Aquilino Pimentel Jr., dapat tularan ng Pilipinas ang United States of America, Canada, at Australia na pare-parehong may magandang praktis ng federalismo.
 
Walang political dynasty sa mga nasabing bansa.

You May Also Like