REPORMA SA BUWIS, PABOR NA PABOR SA MAYAYAMAN

 

 

Ni: Marites Badilla

SEC.CARLOS DOMIGUEZ: Para sa bayan ang planong ppagbabago sa buwis ng Pilipinas.
SEC.CARLOS DOMIGUEZ: Para sa bayan ang planong ppagbabago sa buwis ng Pilipinas.

TIYAK na ang plano ng Department of Finance (DOF) na baguhin ang sistema ng pamumuwis sa bansa upang madagdagan ng P600 Bilyon ang pondo ng pamahalaan sa 2019, ngunit inilantad ng isang research group na bulto nito ay manggagaling sa mga mahihirap.

Sabi ng Ibon Foundation, ipatatanggal ng DOF sa Kongreso sa listahan ng mga produkto at serbisyo na exempted sa 12% value-added-tax (VAT) upang magkaroon na ang mga ito ng 12% dagdag na buwis.

Pananatilihin na lamang sa listahan ng exempted sa VAT ay ang mga produkto sa kalusugan, edukasyon, at hilaw na mga pagkain.

Sa planong ito ng DOF ay inaasahang P163.4 Bilyon buwis ang karagdagang papasok sa pamahalaan, ayon sa Ibon.

Ang VAT ay buwis na hindi diretsong binabayaran ng mamamayan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at hindi rin ibinabawas sa sahod ng mga manggagawa at empleyado.

Ang buwis mula sa VAT ay pumapasok sa negosyo sa pamamagitan ng pagbili ng mamimili ng produktong mayroong VAT.

Mapapatunayang nagbayad ka ng VAT dahil makikita ito sa resibo.

Ang isa pang pagkukunan ng P600 Bilyon ay ang buwis sa mga produktong petrolyo kung saan plano ng DOF na itaas ang excise tax nito sa  P10 kada litro.

Ibig sabihin, kapag bumili ang motorista ng 10 litrong gasolina na ang presyo ay P45 bawat litro, may dagdag na P100 buwis sa P450 na 10 litrong gasolina binili, kaya P550 lahat ang babayaran ng motorista.

Sabi ng Ibon, naniniwala ang DOF na P178.2 Bilyon ang karagdagang buwis ang papasok sa kabang yaman ng pamahalaan kung matutuloy ang pagtaas ng excise tax sa mga produktong gasolina, kasama ang liquefied petroleum gas (LPG).

Kapag tumaas ang presyo ng mga produkyong petrolyo ay tiyak na tataas din ang presyo ng mga bilihin, lalo na iyong gumagamit ng anumang produktong petrolyo.

Ang ikatlong natukoy ng DOF na pagkukunan ng P600 Bilyon ay ang karagdagang P5 buwis kada isang kilong asukal.

Kung P30 ang kilo ng asukal, ang babayaran ng mamimili ay P35.

Makikita ang P5 buwis sa resibo.

Kung hindi humingi ng resibo ang mamimili, hindi papasok sa BIR ang ibinayad na buwis sa isang kilong asukal.

Kapag tumaas ang presyo ng asukal ay tumataas din ang presyo ng mga produktong ginagamitan ng asukal.

Inaasahan ng DOF na P18.1 Bilyon ang maiaambag nito sa kita ng pamahalaan, banggit ng Ibon.

Idiniin ng Ibon na kitang-kita na lalong mahihirapan ang mga mahihirap na mga Pilipino na siyang pinakamalaking bahagi ng 104 milyong populasyon ng bansa dahil ang tatlong pangunahing pagkukunan ng P600 Bilyon na karagdagang kita ng pamahalaan ay manggagaling sa pang-araw araw na mga binibili ng mamamayan dahil kailangang nila ang mga nasabing produkto.

Kasali rin naman ang mga negosyante at mayayaman sa mag-pupuno ng P600 Bilyon, ngunit isiniwalat na ng Ibon na hindi kasing laki ng ipapasok ng mga mahihirap ang kanilang ipapasok.

Halimbawa, mababawasan ang corporate income tax ng mga negosyo ng 5 porsiyento (25% mula 30%).

Idiniin ng Ibon Foundation na mababawasan ng P34.8 Bilyon ang ibinabayad na buwis ng mga korporasyon, sa halip na lumaki ito.

Ibinisto rin ng Ibon na ang amelyar sa ari-arian ay magiging 6% na lang mula sa kasalukuyang 20%.

Maging ang donor at transaction taxes sa lupa ay babawasan na rin, sabi pa ng Ibon.

Ang pagbabawas sa ibinabayad na buwis sa mga bahay, gusali, at lupa ay tilas magandang tingnan dahil makikinabang dito ang mga ordinaryong tao na mayroong sariling bahat at lupa na nagbabayad ng buwis taun-taon, ngunit mas malaki ang kaluwagan sa mga negosyanteng napakaraming malalawak na lupain, nagtataasang gusali, at naglalakihang bahay.

Sabi ng Ibon, isinama rin ng DOF ang pagbabawas sa buwis sa inihuhulog na pera  sa banko at sa pangangapital ng negosyo.

Idiniin ng Ibon na ang planong pagbabago ng DOF sa sistema ng pamumuwis sa bansa ay lalong nagdidiin sa pagkakahulma sa hindi patas na katayuan ng mga mayayaman at mahihirap sa bansa.

Ang problema sa economic team ng administrasyong Duterte ay sinasamantala nito ang popularidad ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maisulong ang kontra-mahirap na plano ng pangkat nina DOF Sec. Carlos Dominguez at Budget Sec. Ben Diokno.

Si Dominguez ay naging kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agriculture (DA) noong si Corazon Aquino ang Pangulo ng bansa, samantalang si Diokno ay naging kalihim din ni dating Pangulong Joseph Estrada sa Department of Budget and Management (DBM).

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like