Rally laban sa RH law, gaganapin sa Hulyo 9

IMBES na isang ganap na kilos protesta, magdadaos ng isang mala-piyestang pagtitipon ang mga pro-lifers sa Hulyo 9 upang magpakita ng suporta para sa mga nagpepetisyon laban sa R.A. 10354 o Reproductive Health Law na nakatakdang sumali sa oral arguments sa Korte Suprema sa nasabing araw.

rally

Nananawagan ang grupong Filipinos for Life (F4L) sa lahat ng mamamayang naninindigan sa buhay na lumahok sa nasabing pagkilos na magsisimula ng 9 a.m. sa harap ng Korte Suprema sa kalye ng Padre Faura sa Maynila.

“Ginawa natin itong isang mala-piyestang pagtitipon dahil kailangan nating ipalabas ang mensahe sa ating bayan na dapat nating ipagdiwang ang buhay. Una’t sapul, ang pinakamagandang maaaring mangyari sa isang tao ay ang maipanganak,” ani AJ Perez, pangulo ng F4L.

Magkakaroon ng isang maikling programa kung saan magrorosaryo, magkakaroon ng mga pep talks galing sa mga kinatawan ng mga mampepetisyon, kantahan at sayawan.

Ang mga dadalo ay hinihikayat na magsuot ng pula at magbitbit ng mga placards na may mga “positibong mensahe tungkol sa buhay.”

Sa kabila ng napakatagal na laban kontra sa RH law, may nakikitang pag-asa si Perez sa darating na oral arguments.

“Kinikilala natin ang katotohanan na ito ay maaaring maging makasaysayang sandali sa ating bansa. Matagal na nating iwinawaksi ang RH at maaaring ito na ang ating pagkakataon na paslangin ang dragon,” dagdag pa nito.

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa Pro-life office sa (02) 733-70-27, (02) 734-94-25, 0918-2337783 o ‘di kaya’y i-email sa life@prolife.org. (NED)

You May Also Like