Quezon City ‘kabisera ng sunugan ng basura’ sa Metro Manila

Ni: Marites Badilla
NANINIWALA ang iba’t  ibang  environmental groups na magiging “kabisera ng sunugan ng basura” sa Metro Manila ang Quezon City kapag itinuloy ni Mayor Herbert Bautista ang proyektong waste-to-energy (WtE) sa lungsod.
 
Katuwang ng administrasyon ni Bautista ang kumpanya sa Japan na Hitatchi Zosen sa pagtatayo ng WtE, ayon sa artikulong nalathala sa Nikkei Asian Review kamakailan.
 
Ipinaliwanag sa artikulo na ang WtE ay “isang sunugan ng basura na kayang iproseso (sunugin) ang basura ng 3 Milyong katao dahil ang makinang ito ay makapagluluwal ng enerhiyang may lakas na 20,000 kw.”
  
Ayon kay Aileen Lucero, coordinator ng EcoWaste Coalition, hindi maganda ang WtE na pinagkasunduan ng Hitachi Zosen at Bautista, sapagkat ito ay masyadong mahal, may negatibong epekto sa klima, at iniba lamang ang pangalan (re-branded) nito.
 
MAKINA SA PAGSUSUNOG NG BASURA: Ito ang halimbawa ng makinang ginagamit sa pagsusunog ng basura na mayroong negatibong epekto sa kapaligiran, kalikasan, at kalusugan ng publiko, ayon sa EcoWaste Coalition at iba pang environmental groups. (litrato mula sa sa facebook account ng EcoWaste Coalition)
MAKINA SA PAGSUSUNOG NG BASURA: Ito ang halimbawa ng makinang ginagamit sa pagsusunog ng basura na mayroong negatibong epekto sa kapaligiran, kalikasan, at kalusugan ng publiko, ayon sa EcoWaste Coalition at iba pang environmental groups. (litrato mula sa sa facebook account ng EcoWaste Coalition)

Nabanggit sa parehong artikulong tinutukoy ng Nikkei na ang halaga 395 Milyong US dollar, o 18.17 Bilyong piso ang katumbas nito sa pera ng Pilipinas.

 
Pero, kasama sa nasabing halaga ang inisyal na perang inilaan at gastos sa operasyon na tatagal hanggang 20 taon.
 
Hindi lugi sa kasunduan ang Hitachi, sapagkat mababawi nito ang kabuuang ginastos nito at kikita pa ito sa pamamagitan ng bayad sa pagsusunog ng basura at kuryenteng magagamit, banggit din sa nasabing artikulo.
 
Idiniin ni Lucero na hindi magandang proyekto ang WtE na magtatransporma lamang sa Quezon City bilang “kabisera ng pagsusunog ng basura” sa Metro Manila, ngunit makasisira lamang ito ng kapaligiran, kalikasan, at kalusugan ng mga residente.
 
Kaya, tahasang nanawagan ang EcoWaste Coalition at ibang environmental groups kay Bautista at maging sa Sangguniang Panglunsod na pinamumunuan ni Bise-Alkalde Ma. Josefina Belmonte-Amumurung na huwag nang ituloy ang pagtatayo ng WtE sa Quezon City.
 
Iginiit ni Lucero kina Bautista at Belmonte na “there are far superior environmentally-sound, sustainable and cheaper solutions for managing discards that will not circumvent the ban on burning waste, while recovering resources, saving energy, creating jobs and instilling ecological values among businesses and households.”
 
Ipinaalala ng aktibista para sa malinis na kalikasan sa dalawang mataas na burukrata ang iniuutos ng Republic Act No. 9003 (Ecological Solid Waste Management Act) na pagsasaayos ng basura sa pamamagitan ng pag-iwas sa basura at pagbawas sa dami nito sa pamamagitan ng paghiwa-hiwalay ng mga ito sa nabubulok at hindi nabubulok.
 
Sabi naman ni Joey Papa, presidente ng Bangon Kalikasan Movement, “ang pagtatayo ng incinerator ay maaari pang maging batayan upang magpatuloy ang pagtatapon ng basura sa Payatas, sapagkat ang ibubugang dumi ng makinang magsusunog ng basura ay nangangailangan ng lupang pagtatapunan nito.”
 
Ani Papa, “sa totoo lang, ang nag-isip ng WtE ay mga taong hindi inintindi ang kaligtasan at kalusugan ng publiko sa pagkalahatan.”
 
Ayon kay Dr. Angelina Galang, pangulo ng Green Convergence for Safe Food, Healthy Environment and Sustainable Economy, “hindi ang WtE ang solusyon sa kakapusan natin ng enerhiya.”
 
Ani  Galang, “ang WtE ay bumubuga ng mga dumi at kemikal n makasisira sa kapaligiran at kalusugan ng publiko.”
 
“Nagreresulta pa ang WtE sa mas maraming basura dahil ang combustion chamber ay kinakailangang maglabas ng dumi,” patuloy niya.
 
Ang WtE ang pinaka-mahal sa lahat, kaya magastos ito, dagdag pa ni Galang.
 
Ang Greenpeace ay tahasan din ang pagtutol sa WtE dahil tulad ng iba pang environmental groups, lubos na naniniwala ang Greenpeace na hindi matutugunan ang pakay ng lokal na pamahalaan na paghusayin ang pamamahala sa tama at makabuluhang pagtatapon ng basura kung WtE ang gagamitin.

You May Also Like