QCPD’s Supt. Pagulayan, ipinatapon sa ARMM

 

 

 Ni: Paula Antolin
 
ISANG mataas na opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) ang inilipat sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) nitong Huwebes dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga.
 
Si Supt. Victor Pagulayan ay tinanggal sa pagiging pinuno ng QCPD Police Station 3, alinsunod sa utos ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP).
 
Ayon kay Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, acting QCPD Director, ipinatupad niya ang utos ng pambansang pinuno ng PNP.
 
Si Supt. Danilo Mendoza ang pumalit kay Pagulayan sa PS 3, banggit ni Eleazar.
 
Si Mendoza ay galing sa PNP-Batangas City.
 
Siya ay kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC), isang makapangyarihan at impluwensiyal na organisasyong simbahan.
 
Hindi na nagpaliwanag si Eleazar sa detalye ng pagkakasangkot ni Pagulayan sa sindikato ng iligal na droga.
 
Batay sa rekord, ika-45 nang opisyal sa QCPD na pinaniniwalaang sangkot sa shabu ang ipinadala sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao.
 
Si Pagulayan ang ikalawang superintendent na inilipat sa Mindanao.
 
Ang una ay si Supt. Jay Agcaoili na siyang hepe ng QCPD District Special Operations Unit (DSOU).
 
Ang iba naman ay itinutumba sa drug buy-bust operation tulad ng sinapit ni Senior Insp. Ramon Castillo ng QCPD District Anti-Illegal Drugs – Special Task Operations Group (DAID – STOG).
 
Si Castillo ay namatay noong Hulyo 25 sa Fairview nang makipagbarilan umano sa mga pulis Quezon City nang takasan ang drug buy-bust operation.
 
Umabot sa 100 gramo ng shabu ang nakuha sa sasakyang itim ni Castillo ilang minuto matapos ang operasyon laban sa kanya.
 
Si Castillo ay ipinasok umano ni Director Joel Pagdilao, naging hepe ng QCPD at National Capital Region Police Office (NCRPO), sa DAID – STOG.
 
Si Pagdilao ay nahaharap sa kasong administratibo sa Napolcom dahil tinukoy siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang protektor ng sindikato ng droga.
 
Si Figueroa naman ay itinalaga ni Chief Supt. Edgardo Tinio noong siya pa ang hepe ng QCPD.
 
Tulad ni Pagdilao, si Tinio ay nahaharap din sa kasong administratibo sa Napolcom dahil sa pag-akusa kanya ni Duterte ng pagiging protektor ng sindikato ng droga.
 
Ang ikatlong iniimbestigahan ng Napolcom na pareho ang kaso kina Tinio at Pagdilao ay si Chief Supt. Bernabe Diaz ng PNP-Western Visayas.   
 
Samantala, hindi pa tapos ang isinasagawang imbestigasyon ng QCPD tungkol sa 86 pulis ng distrito na pinaniniwalaang sangkot din sa sindikato ng droga.
 
Ang 86 ay galing sa DAID – STOG na pinamumunuan ni Chief Insp. Enrico Figueroa at sa anti-drug unit ng PS 6.

 

You May Also Like