Pulitikang Pinoy

meloNakatutuwang panoorin ang mga patalastas ng mga kandidato sa pagka-senador. Lahat na lamang halos ng hahanap-hanapin mo sa mga manliligaw o katipan mo ay maririnig mo sa matatamis na pangako ng mga kandidato. Karapatan naman nilang magpakilala kaya nga lamang ay halata mong kulang sa katapatan ang kanilang mga pinagsasabi.

Naalala ko ang sabi ng isang kaibigang commodore noong mga dekada nobenta. Kung mayroon daw nararapat tumanggap ng “Famas Awards” ay wala nang iba kungdi ang ating mga pulitiko. Itinanong ko sa kanya kung bakit at napakasimple ng kanyang paliwanag: “Mapapatawa at mapapaiyak ka ng mga pulitiko sa kanilang mga talumpati at mauubos ang salapi sa kaban ng bayan na ‘di namamalayan ng taongbayan.”

Sinagot ko siya at ang paninindigan ko’y mayroon din namang mga matatapat na mambabatas, maging mga kongresista o mga senador, bise presidente at maaaring mayroong ding mga pangulong tapat sa paglilingkod sa bayan.

Kung ang isang kandidato sa pagkapangulo ay mangangailangan ng anim na bilyong piso sa kanyang pangangampanya, makatitiyak siyang magwawagi sapagkat marami siyang mga kaalyado hanggang sa barangay. May mga pagkakataon nga lamang na kahit pa mayroon kang sapat na salapi, hindi naman ito nakararating sa barangay sapagkat nadididal ng ward leaders.

Ipagpalagay na nating gumastos nga ng anim na bilyong piso ang isang kandidato, hindi mo rin maiiwasang magtanong kung saang kamay ni Abraham nagmula ang salaping pangampanya. Maaaring mula sa malalaking negosyante na susugal sa kanilang kandidato. At bakit naman sila magbibigay ng bilyong piso sa kanilang kandidato kung wala naman itong sapat na kapalit?

Aking naalala ang pelikulang kinatampukan ni Eddie Murphy. Pinamagatan itong “The Distinguished Gentleman.” Nagwagi siya sa pagiging kongresista sa pamamagitan ng name recall. Nagkataong ka-apelyido niya ang isang mambabatas na namayapa. Walang anumang ginawang pagtatalumpati o pangangampanya at pawang streamers at posters na naglalaman ng kanyang pangalan. Ni walang larawan subalit nagwagi dahilan sa name recall.

Sa Pilipinas, pati ang mukha ng mga kilalang tao ay ginagaya mapalapit lamang sa mga botante. Ngayon ka makakakita ng mga nagta-tango o nagta-chacha sa tanghalan, makita lamang ng publiko ang kanilang “galing.”

Ang pinakamalungkot na magaganap sa ating bansa ay kung wala kang mapagpilian sapagkat ang kanilang pagkakaiba’y pareho rin.

* * *
Nabanggit nga pala ni Engr. Bert Suansing ng Global Road Safety Partnership-Philippines na 34 na Pilipino ang namamatay araw-araw mula sa mga sakuna sa lansangan.

Ito’y dahilan sa kawalan ng paggalang ng mga motorist at mga pedestrian sa isa’t isa. Nakikita rin ang kawalan ng disiplina. Hindi sapat ang pagbabawal sa wang-wang sapagkat mayroon pa ring mga may weng-weng na nagmamaneho ng iba’t ibang sasakyan.

May palatuntunan nga kaya ang mga kandidato para sa road safety? Idinaos ang isang pang-rehiyong pagpupulong ng Global Road Safety Partnership-Asia na dinaluhan ng mga dalubhasa mula sa Asia. Nakalulungkot na wala man lamang ni isang cabinet member na nagsalita at sumalubong sa mga panauhin.

Ni walang booth ang Kagawaran ng Turismo, ni walang kalihim mula sa Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon at Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan. Wala man lamang nagbigay halaga sa pagdalo ng may 200 mga banyagang dalubhasa sa pagpupulong na ito.

“It’s more FUN in the Philippines,” sabi ng isa sa mga nasa likod ng pagpupulong.

You May Also Like