Pulis opisyal, ipinasibak ni Erap dahil sa drug den

 

 

Drug Den
AKSYON NI ERAP: Nabuwisit si Mayor Joseph “Erap” Estrada nang madiskubre niya na mayroong shabu den sa ilalim ng tulay malapit sa Binondo, Maynila. Kaya, ipinasibak niya si Chief Insp. Luis Guisic, hepe ng Police Community Precinct sa Juan Luna St., sapagkat nasa tapat lang ng istasyon ng pulis ang shabu den. (Jar-Ar Ortonero)

Ng: Tapat News Team (TMT)

 
IPINASIBAK ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ang hepe ng pulis sa Binondo dahil sa buwisit ng alkalde sa nadiskubreng drug den sa tapat ng police station ng nasabing lugar sa Maynila.
 
Hindi naman nagreklamo si Chief Insp. Luis Guisic sa pagkakasibak sa kanya ni Supt. Amante Daro, hepe ng Manila Police District (MPD) Binondo, alinsunod sa direktiba ni Estrada.
 
Si Guisic ay tinanggal sa puwesto matapos madiskubreng mayroong drug den sa ilalim ng tulay sa Jones Bridge.
 
Ang drug den na nasa tapat lamang ng Police Community Precinct sa Juan Luna St. ay surpresang nadiskure ng mga awtoridad makaraang nag-ikot si Estrada upang linisin ang tulay mula sa mga nakasabit na tagpi-tagping bahay ng ilang maralita.
 
Iimbestigahan naman ng pamunuan ng MPD ang kapalpakan ni Guisic.
 
Sa nasabing operasyon, nakakumpiska ang mga pulis ng mga shabu, shabu paraphernalia, at mga iligal na linya ng kuryente.
   
Mayroon ding nahuling pusher.
 
Samantala, dalawang pinaniniwalang mga pusher ang namatay sa Quezon City nitong Martes ng gabi.
                                                                                            
Ang dalawa na nakilala lamang sa kanilang mga alyas ay namatay sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Quezon City.  
 
Isa ang Quezon City sa matindi ang serye ng pagpaslang sa mga drug dealer. (May dagdag ulat si Paula Antolin)

You May Also Like