Pulis, 6 Tulak ng Shabu, Patay sa Caloocan

 

Ni: Denz Laguipo

 

PITONG katao, kabilang ang isang pulis, ang namatay, at isa pang pulis ang nasugatan sa engkuwentrong naganap sa pagitan ng mga pulis at mga tulak ng shabu sa Lungsod ng Caloocan nitong madaling araw ng Biyernes.

Kinilala ni Senior Supt. Johnson Almazan, hepe ng pulisya ng Caloocan, ang namatay na si PO1 Romeo Mandapat, samantalang ang sugatang pulis ay si PO1 Bayani Oditor.

Ayon kay Almazan, sina Mandapat at Oditor ay naitakbo pa sa ospital.

Pero, si Mandapat lang ang namatay bandang 6:00 ng umaga, base sa anunsiyo ng mga doktor.

Sabi ni Almazan sa media, sina Mandapat at Oditor ay kasama sa isang operatiba ng pangkat ng mga pulis na nagsasagawa ng operasyon laban sa iligal na droga sa lungsod.

Ang target nilang si Jerson Matoran sa isang komunidad sa Brgy. 178 sa North Caloocan City ay namatay din nang  makipagbarilan ito sa mga pulis bandang alas 4:00 ng madaling araw.

Sabi ni Almazan, sa kanyang pagkakaalam ay si Mandapat ang unang pulis sa Metro Manila na nabaril at napatay ng mga tulak ng iligal na droga simula ng ikasa ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga noong Hulyo 1.

Idiniin ni Almazan sa mga mamamahayag na ang pagkamatay ni Mandapat at pagkasugat ni Oditor ay kongkretong patunay na lumalaban ang mga tulak ng shabu sa mga pulis huwag lamang silang masakote ng mga alagad ng batas sa operasyon.

Samantala, ang mga namatay namang tulak sa iba’t ibang barangay sa Caloocan bukod kay Matoran, ay sina Julian Dayta, alyas “Ipe” at ang kanyang kasama na nakilala lamang sa alyas “Gary” (parehong taga-Brgy. 20); Daniel Kapampangan, Reagan Montaya, at Ronald Montaya (ng Brgy. 93).

Lahat sila ay nakuhaan ng shabu, drug paraphernalia, at mga baril, saad ni Almazan.

Tiniyak ni Almazan na magpapatuloy ang  kampanya ng pulisya ng Caloocan laban sa mga tulak ng shabu at mga adik kahit namatay sila ng isa.

Base sa impormasyon ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), napaka-talamak ng bentahan ng iligal na droga, partikular ang shabu, sa Caloocan City.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like