Protestang Taiwanese vs Pinas, tuloy pa rin

protesta

TALIWAS sa ipinahayag kahapon ng Palasyo na nagpapahayag ng pasasalamat sa ipinakitang pakikitungo ng mga lider ng bansang Taiwan hinggil sa panawagan na huwag saktan ang mga Pinoy, patuloy pa rin diumano ang mga panaka-nakang protesta laban sa Pilipinas sa nasabing bansa.

Ramdam ang pangamba ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naninirahan sa tinaguriang ‘Republic of China’ dahil sa mga nagpoprotesta na karamihan ay mga mangingisda na nagpapahayag ng kanilang saloobin hinggil sa diumano’y pasasawalang-halaga sa buhay ng mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG).

Matatandaang pinaputukan ng mga opisyal ng PCG ang barkong naglululan sa mga mangingisdang Taiwanese nationals at naging dahilan ng pagkakapatay kay Hung Shih-cheng na may edad 65. Pinasinungalingan naman ng pamunuan ng naturang ahensya ang mga paratang at sinabing pinasok daw diumano ng mga naturang Taiwanese ang teritoryo ng Pilipinas.

Kamakailan ay pinabulaanan naman ni Taiwan Deputy Justice Minister Chen Ming-tang ang posisyon ng PCG at sinabing mali ang paratang ng ahensya, ito ay ayon na rin sa ebidensya na kanilang nakalap mula sa voyage data recorder ng barkong pangisda.

Hanggang sa mga oras na ito patuloy pa rin ang mga panawagang hustisya at pananagot ng may mga sala.
Matapos mapahintulutan patuloy namang nagiimbestiga ang National Bureau of Investigation sa Taiwan at mariing tinitingnan lahat ng posibleng anggulo upang matukoy ang totoong nangyari.

Sa ngayon may humigit kumulang 87,000 Pinoy domestic helpers na nagtatrabaho sa bansang Taiwan na nagpapasok sa bansa ng daang milyong dolyares kada taon.

You May Also Like