Produksyon ng komersyal na prutas hiniling ng mga Dumagat

Nanawagan sa pamahalaan ang mga katutubong Dumagat na naninirahan sa mabundok na bahagi ng Tanay, Rizal na bigyan sila ng produksyon ng mga komersyal na prutas.

Hindi sapat ang katutubong paraan ng hanapbuhay upang punan ang pangangailangan ng isang marangal na buhay, wika ni Rogelio. B Arucan, tagapangulo ng Katutubo Layban, Inc., sa isang panayam.

Nananatiling atrasado ang paraan ng mga Dumagat para mabuhay, ayun sa kanya.

“Pagkakaingin, pagtatanim ng palay at kamote ang naging kabuhayan ng mga katutubo,” ani Arucan. “Hanggang ngayon, pagtatanim pa rin ang nagsisilbing kabuhayan ng mga Dumagat.”

Natigil ang pagkakaingin nang ipinagbawal ito ng pamahalaan at itinuturing na ngayong protected area ang mga bukiring pinuputulan ang mga puno upang iprosesong uling.

“Ang gusto namin ay mabigyan kami ng kabuhayan gaya ng pagtatanim ng mga komersyal na prutas,” sabi ni Arucan.

Hiling din ng mga katutubo sa pamahalaan na gumawa ng paraan upang maibenta ang kanilang mga produkto na hindi dumadaan sa middleman, dagdag nya.

Mas malaki ang kikitain ng mga Dumagat kung may direkta silang mga tagapamili, wika ni Arucan.

Natulungan din ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang pamayanan sa pamamagitan ng National Greening Program, bangit ng katutubo.

Sa ilalim ng programa ng DENR, binayaran ang mga Dumagat para sa pagtatanim ng narra, mahogany at iba pang high-value trees sa lupang dineklarang protected area. (William Rodriguez)

Nasa larawan si Rogelio B. Arucan, tagapangulo ng Katutubo Layban, Inc. Kuha ang larawan sa Secret Garden of Doris, Antipolo, Rizal. (William Rodriguez)

 

You May Also Like