Prinsesa ng Thailand, bumisita sa Antipolo

LUNGSOD NG ANTIPOLO—Masayang sinalubong ng pamahalaang lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, si Princess Maha Chakri Sirindhorn ng bansang Thailand sa kanyang pagbisita sa Bagong Nayon II Elementary School (BN II ES) at Isaias Tapales Elementary School (ISTES) noong Enero 21, 2016.

“Isang karangalan po na mapili ang Antipolo bilang lugar na pagdadausan ng charitable projects ng mahal na prinsesa dito sa Pilipinas. Naipapakita po natin sa kanya na ang mga taga-Antipolo ay likas na magiliw sa mga bisita, may pagpapahalaga sa kultura, at nakikiisa sa pagbubuklod-buklod ng mga bansa hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo,” pahayag ni Mayor Ynares.

Bukod kay Mayor Ynares, nakibahagi rin sa tree planting ceremony, bilang simbolo ng pagkakaisa ng bansang Pilipinas at Thailand, sina Rizal Provincial Governor Rebecca “Nini” Ynares, Chiqui Roa-Puno, TV Broadcaster at maybahay ni Congressman Robbie Puno ng District I, ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga opisyales ng Department of Education-Antipolo, at mga guro at mag-aaral ng mga nabanggit na paaralan.

Bilang parte ng proyekto ng prinsesa, nagkaloob siya ng mga pasilidad sa BN II ES gaya ng fish pens, hatchery, poultry, gardens, mushroom culture, at classrooms na pagkukunan ng pagkain para sa feeding program ng paaralan. Ayon sa kanya, maaari din itong gamitin bilang income generating project na makatutulong sa paglulunsad ng mga programa para sa mga mag-aaral.

Pormal na inanunsyo ng prinsesa na ang ISTES ang ika-apat na paaralan sa Pilipinas na makikinabang sa proyekto. Magkakaroon din ng Hot Milk Feeding Program sa nasabing paaralan bilang karagdagang programa para sa mga estudyante.

Ang pagbisita ng Prinsesa sa dalawang paaralan ay bahagi ng kanyang state visit sa bansa upang bisitahin ang dalawa sa apat na paaralan sa Pilipinas na makikinabang sa kanyang Youth and Development Project. (ANTIPOLO-PIO/PIA-Rizal)

You May Also Like