Price rollback… sa pamamagitan ng Tipid tips

5 payo para makatipid sa konsumo ng petrolyo

Buti na lang hindi armored vehicle o kaya trak na saksakan ng laki at bigat ang minamaneho mo. Kung ganito ang sasakyan mo, tiyak ubos lagi ang pang-gas mo!
Buti na lang hindi armored vehicle o kaya trak na saksakan ng laki at bigat ang minamaneho mo. Kung ganito ang sasakyan mo, tiyak ubos lagi ang pang-gas mo!

Sa dami ng pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino, ang pagtitipid sa lahat ng bagay ay napakahalaga. Isa sa araw-araw na di maiiwasang gastos ay transportasyon. Sa pag-byahe sa trabaho, eskwela at kahit saan pa ay siguradong kakailanganing gumastos sa pamasahe o sa gasolina. Para sa ating mga tsuper, ang pagtitipid sa krudo ay napakalaking bagay sa kanilang pamilya.

Si Denney Gutierrez, isang mekaniko at drayber ng iba’t-ibang uri ng sasakyan nang mahigit 11 taon na ay nagpaunlak ng panayam upang magbigay ng ilang mga teknikal na tips ukol sa pagtitipid sa pagkonsumo ng petrolyo.

TIRE PRESSURE.
Tingnan kung tama ang sukat ng hangin sa gulong. Kung malambot o kaya ay sobra sa hangin, nakaaapekto ito sa pagtakbo ng sasakyan na nagpapahirap sa makina nito. Ugaliing nasa tamang pressure ang gulong.

PAGPAPAINIT NG MAKINA.
Hindi kinakailangang patakbuhin ng matagal ang makina para painitin bago ito patakbuhin. Ayos na ang tatlong minuto para dito. Ugaliing i-start ang sasakyan sa saktong oras na kayo ay aalis na upang maiwasan ang matagalang pagtakbo ng makina habang ito ay nakahinto.

BIGLAANG PAGHATAW.
Iwasan ang biglaang akselerasyon sa pagmamaneho. Kailangang nasa tama lamang ang pagbabago ng tulin ng inyong sasakyan. Ang biglang pagpapalit ng bilis ay higit na kumokonsumo ng gas kesa sa marahan at sapat na pag-angat ng tulin.

OIL GAUGE, TEMPERATURA.
Laging tingnan ang sukat ng langis at temperatura ng makina upang hindi hirap sa takbo ang inyong sasakyan.

REGULAR CHECKUP.
Importante rin ang pagpapanatili sa kondisyon ng sasakyan. Palagiang pagpapa-checkup para siguraduhing maayos ang takbo ng bawat bahagi. Malaki ang naitutulong nito sa pangkalahatang takbo, sa pagtitipid ng konsumo ng petrolyo at lalo’t higit sa kaligtasan ng mga pasahero.

Simple lang ang mga payong ibinahagi ni Gutierrez na kung ating susundin, may maitatabi na tayong pera mula sa ating matitipid o kaya ay magagamit sa ibang importanteng bagay. Ugaliin nating pangalagaan ang ating mga sasakyan. Tandaan na anumang bagay ang ating binibigyang importansya ay magbabalik din sa atin ng maayos na serbisyo at halaga.

by ROGIE YLAGAN

You May Also Like