Presidentiables, inudyukang maging human rights advocates

Carizza Ibañez

Hinihikayat ng ilang human rights groups ang mga kumakandidato sa pagkapangulo na ipahayag ng mga ito ang kanilang mga plataporma kung paano masusugpo ang mga pang-aabuso sa karapatang-pantao sa bansa.

Pinakiusapan rin ng grupong Amnesty International Philippines (AIP) ang mga Pilipinong botante na piliin ang mga lider na uunahing bigyang-pansin ang hindi paglabag sa mga karapatang ito.

Ayon sa tagapangulo ng AIP na si Ritz Lee Santos III, nananatiling pangunahing pang-aabuso sa karapatang-pantao ang kahirapan.

“Kailangan maging priority ang human rights dahil araw-araw natin itong dapat na-e-enjoy.At hangga’t hindi natin na-e-enjoy ang kalayaan sa takot, kalayaan sa maayos at disenteng pamumuhay, ito ay dapat nating singilin sa ating mga leader,” ani Santos III.

Dagdag pa ni Santos, maraming Pilipino pa rin ang hindi sapat ang kinakain, walang disente at permanenteng trabaho, at walang kakayanang matustusan ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan.

Giit pa ng AIP, patuloy pa ring problema sa bansa ang mga pang-aabuso sa karapatang pantao ng may kinalaman sa pulitika, kagaya na lamang ng Maguindanao massacre noong 2009. Anila’y marami pa ring kaso ng extrajudicial killings at senforced disappearances ang hindi nareresolba.

Nangako naman si Bise Presidente Jejomar Binay, tumatakbong pangulo ngayong halalan, na itataguyod niya ang karapatang-pantao ng bawat isang Pilipino at tutugisin ang mga lalabag nito.

Tugon naman ng isa pang kandidatong pagkapresidente na si Sen. Miriam Defensor-Santiago, nais niya ng mas pinaigting na pagpapatupad ng Anti-Torture Law at mas mabusising pagkilatis sa Witness Protection Program.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng AIP ang mga sagot nina Rodrigo Duterte, Grace Poe, at Mar Roxas ukol sa isyung ito.

Samantala, hindi raw muna magbibigay ng komento ang Malacañang hangga’t hindi pa nito nababasa ang report ng AIP.

You May Also Like