Prangkisa nagpayaman sa mga opisyal at kawani ng LTFRB

 

 

 Ni: Marites Badilla
 
SA unang  pagkakataon, inamin ng hepe ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na napakatalamak ng katiwalian at korapsyon sa nasabing ahensiya.
 
Ani LTFRB chairman Martin Delgra, ang prangkisang ibinibigay ng LTFRB sa mga pampublikong sasakyan ang pangunahing produkto ng ahensiya na nagpayaman sa ilang mga opisyal at ilang kawani ng LTFRB sa mahabang panahon.
 
Inihalimbawa ni Delgra ang impormasyong nakarating sa kanya na mayroong opisyal ng LTFRB sa ilang rehiyon na nakatatanggap ng P200,000.00 bago maglabas ng prangkisa.
 
Hindi inilabas ng bagong pinuno ng LTFRB ang mga pangalan ng mga tiwali at korap, sapagkat patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa LTFRB sa lahat ng panig ng bansa.
 
Idiniin din ni Delgra na sa inisyal na imbestigasyon ay nadiskubre niyang mayroong sabwatan ang ilang opisyal at mga fixer sa loob at labas ng LTFRB kung saan ang opisyal ang kumikita ng higit na malaki.
 
Sa nakalipas na panahon, hindi umaksiyon ang hepe ng LTFRB laban sa katiwalian at korapsyon sa ahensiya.
 
Bagay na ipinagtaka ng marami, gayong alam naman nito na talamak ang katiwalian at korapsyon sa LTFRB.
 
Tanging si Delgra lamang ang gumawa nito.
 
Si Delgra ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na may direktibang linisin ang katiwalian at korapsiyon.
 
Matatandaang isa ang LTFRB sa tinukoy ni Duterte na napakatalamak ng katiwalian at korapsiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan.
 
Idiniin ni Delgra na pagkatapos ng mahaba, ngunit masusing imbestigasyon hinggil sa katiwalian at korapsiyon ay siguradong magkakaroon ng malawakang balasahan sa LTFRB, rerepasuhin ang mga inaprubahang prangkisa sa nakaraan, at kakasuhan ang mga tiwali at korap na opisyal at kawani ng ahensiya.

You May Also Like