Pork barrel tungo sa tuwid na daan?

editorial

Ang Priority Development Assistance Fund, kilala bilang pork barrel, ay pondong itinatalaga ng gobyerno upang pasinayan ang lokal na mga proyekto ng mga distrito. Tama si Pangulong Aquino na wala namang masama sa pork barrel. Ngunit, hindi tayo sangayon na manatili ito dahil kahit walang masama sa pork barrel, kung ito naman ay namamanipula, sa masama pa rin ang basak nito.

Ang problema mismo ay ang sistema. Kung nasa kamay ng mga pulitiko ang pagdedesisyon hinggil sa paggamit nito, maaaring magkaroon talaga ng duktoran sa mga kontrata, mailagay sa mga bogus na Non-Government Organization (NGO) at marami pang posibleng paraan na ito ay maging ugat ng korapsyon. Hindi na bago sa atin na ang pork barrel ay ang ugat ng korapsyon.
Sa national badyet ng gobyerno, may kabuuang P27 bilyong pondong ilalaan para sa pork barrel sa taong 2014. Ito ay kahit pa kabi-kabila ang mga naglalabasang balita hinggil sa maling paggamit ng pondo. Gaya na lamang ng napabalitang sampung ahensya ng pamahalaan ang nakipagtransaksyon sa mga pekeng NGO na ginagamit upang makapag kubra ng lagpas sa sampung bilyon ng pork barrel.

Nakatutuwang malaman na desidido ang palasyo upang tugisin ang mga sangkot sa tinaguriang “mother of all scams” na kinasasangkutan ng ilang senador at labing-isang miyembro ng Kamara. Subalit nakapagtatakang tila mga tinaguriang ‘macho bloc’ lamang ang sangkot dito. Kabilang sa mga inaakusahan ay sila senador Ramon Revilla Jr., Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, Tito Sotto at Gregorio Honasan. Lahat sila ay mga matitinding tumutol sa pagpasa ng RH bill noong isang taon. Samanatalang ang mga tulad ni dating kongresista ng Iloilo na si Janette Garin ay nabiyayaan naman ng posisyon bilang undersecretary ng Department of Health.
Hindi kaya mas magandang busisiin ang mga transaksyon ng lahat ng mga mambabatas imbes na pili lamang? Matatandaang ganito ang naging hamon ni dating Chief Justice Renato Corona, ngunit sa sawing-palad, tila siya lamang ang magnanakaw na kahit pa ata lasing tayo ay ‘di kapani-paniwala.

Noong isang taon, naging laman ng mga balita ang paggamit diumano ng Palasyo ng pork barrel upang himukin ang ilang mga mambabatas upang bumoto pabor sa kontrobersyal na RH bill. Sinasabing ang ‘di karaniwang pagdating nila Interior Secretary Manuel Roxas II at Budget Secretary Florencio Abad noong botohan ng RH bill sa Kamara ay hudyat ng maaaring pagmamaniubra ng palasyo upang maitulak ang naturang batas.

Nito lamang isang linggo, pumutok sa mga balita ang ‘padrino’ ng mga tiwali sa Bureau of Customs (BOC) at lumutang ang mga pangalan nila Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. at House Speaker Sonny Belmonte. Noong isang linggo rin, ang grupo ng mga mangingisda na Pamalakaya (National Federation of Small Fisherfolk Organization in the Philippines) ay nakiusap sa Commission on Audit (COA) upang magkaroon ng malawakang pagtutuos sa mahigit P24.8 bilyon na pork barrel na inaprubahan ng Kamara para sa opisina ni pangulong Benigno Aquino III noong isang taon. Itong bagay na ito ay dapat na ring ginagawa at hindi na kailangan pang makiusap ang mga mangingisda matupad lamang ito. Kung ganun man, hindi ba dapat ang pangulo ang unang nagpapasilip ng kanyang mga transaksyon imbes na lagi na lamang nakaturo? Sabi nga ni Erap na dati nang naakusahan sa kasong pandarambong, ‘walang padrino, walang kamag-anak walang kaibigan’ — mga katagang halos walang pinagkaiba sa kaibigan, kaklase at kabarilan.

You May Also Like

  • wewin tabares

    Sino pong sumulat nito?