PNoy, sabit sa P50M pabuya

MATAPOS makasuhan ng plunder sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o kilala bilang pork barrel, bumwelta si Senador Jinggoy Estrada at isinabit ang ilang miyembro ng Senado maging ng Kamara na kaalyado ni pangulong Benigno Aquino III sa nasabing isyu ng pork barrel.

Patuloy ang mga protesta laban sa sistema ng pork barrel at iba pang discretionary funds ng administrasyong Aquino.
Patuloy ang mga protesta laban sa sistema ng pork barrel at iba pang discretionary funds ng administrasyong Aquino.

Isiniwalat ni Estrada sa kanyang privilege speech kamakailan ang diumano’y pabuya na P50 milyong dagdag pork barrel para sa papabor sa RH bill, Sin Tax bill at impeachement ni dating punong mahistrado Renato Corona.

Ayon kay Estrada, idinaan ng Malacañang ang pagsuhol sa pamamagitan ng pagbigay ng Special Allotment Release Order (SARO) sa mga bumoto pabor sa mga naturang panukala.

Banat ni Estrada, “Ganoon din ang mainit na balita noong tinatalakay ng Kongreso ang kontrobersyal na Reproductive Health bill. Again, I voted against this measure, kaya wala po akong SARO. Hindi na tuloy nakapagtataka nang kumalat ang balita na ang mga kongresista at mga senador ay inalok din ng PDAF para siguraduhin ang impeachment at conviction ng dating punong hukom ng Korte Suprema.”

Sa panimula ng kanyang talumpati binatikos ni Estrada ang Senate Blue Ribbon Committee na tila mga taga-oposisyon lamang ang idinadawit at pinapahiya sa madla. Dahilan diumano para ituring siya, kasama nina Senador Juan Ponce Enrile at Senador Bong Revilla, na mga natatanging tiwali.

“Bastusan na ba ito? Alam ko na alam ng mga taong ito na sila ang tinutukoy ko. Ang tanging mensahe ko lamang sa mga taong ito ay: ‘Sa bawat pagturo ninyo ng mapanghusga at mapangkutang daliri o hintuturo niyo ay apat na daliri ang nakaturo pabalik sa inyo,” ani Estrada.

Idiniin din ni Estrada sina Miriam Defensor Santiago, Alan Peter Cayetano, Francis Pangilinan at Manny Villar at sinabing ayon sa report ng Commission on Audit (COA), mayroong P1.2 bilyong halaga ng transaksyon ng mga Local Government Units (LGU) na hindi mula sa mga nabanggit na senador ang hindi sumunod sa Procurement Law.

Tanong ni Estrada, “Bakit hindi nababanggit ang mga ito? Dahil ba sila ay inyong kaalyado? Pero hindi ko naman po sinasabi na sila ay nagkasala. Ito po ay base sa COA report na mayroon daw pong irregularities ang kanilang pinaglaanan ng pondo.”
Idinawit din ni Estrada ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng Kamara na si Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales sa umano’y kwestyunableng disbursement ng P28.7 milyong pork barrel sa kanyang nasasakupan na ayon kay Estrada ay lumalabas na peke ang suppliers batay sa sa COA audit.

Dagdag pa ni Estrada, “Meron pa ngang nakita ang COA na P6 million worth of of transactions sa Jollibee! Ano ito? Six million pesos worth ng chickenjoy, hamburger at jolly hotdog? Langhap na langhap ang sarap, hindi po ba?”
Samantala pinabulaanan naman ng palasyo ang mga paratang ni Estrada.

Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, “As far as the executive is concerned, we can categorically tell you that there was no P50 million that was given to the senators as a bribe, as a reward, or as an incentive for the conviction of the former Chief Justice.”

Sa kabila nito, pinatotohanan naman ni Senador Panfilo Lacson ang pagtanggap ng ilang mambabatas na karagdagang P50 milyong pondo.

Samantala, isang mapagkakatiwalaang source ang nagsiwalat at nagpatotoo sa pagsuhol ng palasyo sa mga miyembro ng Kamara. Ayon sa source na dating kongresista kaya hindi mabitawan ng pangulo ang pork barrel dahil ito ang ginagamit upang mamaniobra ang Senado at Kamara.

Dagdag ng source, inakala nilang tungkol sa RH Bill ang pinatawag na caucus ni House Speaker Sonny Belmonte noong mapirmahan ng 188 na kongresista ang impeachment ni Corona. Dagdag ng ating source, idiniin daw mismo ang pananakot na, “Kung ‘di ninyo pipirmahan alam na ninyo ang mangyayari,”patungkol sa kapangyarihan ng palasyo na magbigay at mang-ipit ng PDAF ng mga mambabatas.

You May Also Like