PNoy sabit din sa bogus NGO?

AQUINO

Sa kabila ng kampanya kontra katiwalian ng kasalukuyang pamahalaan lumalabas na sabit din diumano si pangulong Benigno S. Aquino III sa pagbibigay ng pondo sa mga kwestyonableng non-government organizations (NGOS).

Ayon sa mga dokumento ng Commission on Audit (COA), ang pondong P100 milyon na napunta sa apat na kwestyonableng NGO na nakalaan para sa opisina ni senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ay mula sa P72.11 bilyong ‘stimulus funds’ ng pangulo.

Ayon naman kay Marcos, wala siyang kaalam-alam sa naturang pondo at hindi ‘sinabihan’ na may naibigay na pondo para sa kanyang opisina. Ayon pa sa senador, lumalabas na mula ang pondo sa Disbursement Accelaration Program (DAP) ni pangulong Aquino at hindi sa kanyang pork barrel o Priority Development Assitance Fund (PDAF), taliwas sa naunang akusasyon laban sa senador.

“Hindi galing ‘yun sa PDAF ko. Galing sa DAP ‘yun dahil may savings ang gobyerno at gusto nilang magamit ‘yun bago matapos ang taon dahil mapupunta muli ang pondo sa general fund. ‘Yan ang DAP,” ani Marcos.

Lumabas diumano ang naturang impormasyon ani Marcos nang makipag-ugnayan ang COA hinggil sa katotohanan ng kanyang ‘endorsement letter’ na inakala ni Marcos na nagmula sa kanyang PDAF na nagtatalaga ng pondo na may kabuuang P100M sa apat na kwestyonableng NGOs.

Dagdag pa ni Marcos, palsipikado ang sulat na ipinadala sa presidente ng National Livelihood Development Corporation (NLDC) na sinasabing mula sa kanyang opisina.

Kamakailan lamang nagbitiw sa kanyang tungkulin matapos mapabilang si Customs Commissioner Rufino “Ruffy” Biazon sa mga kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI). Kabilang sa mga kinasuhan ang 34 pang katao, kasama ang pitong dating mambabatas.

Mabilis namang nagpahayag ang Palasyo na sa pagkakadawit ni Biazon nagpapatunay lamang ito na walang pinapaboran ang administrasyon, maging miyembro pa man ng Liberal Party.

Sinabi naman ni Biazon na haharapin niya ang naturang akusasyon.

Sa kabila ng mga sunod-sunod na nangyaring trahedya sa bansa gaya ng naminsalang lindol sa Bohol at lbagyong ‘Yolanda’, maging ang gulo sa Zamboanga, nanatiling malaking usap-usapan pa rin ang issue ng pork barrel scam, ayon sa huling Pulse Asia survey.

Lumabas din sa naturang survey na lumagapak ng dagdag na labing-anim na puntos ang tiwala ng mamamayan hinggil sa kakayahan ng administrasyon laban sa katiwalian.

Matapos tuluyang mabasura ng Korte Suprema ang PDAF ng mga mambabatas na magtatakda ng permanenteng ‘di pagtanggap ng milyun-milyong pork ng mga mambabatas at pagiimbestiga sa maaaring sangkot sa pork barrel scam. Nagbanta naman nitong Biyernes si Mindoro Oriental 2nd District Rep. Reynaldo Umali ng impeachment laban sa tatlong mahistrado ng Korte Suprema.

Sinabi ni Umali na nagkamali diumano ang Mataas na Hukuman hinggil sa kaso ni Marinduque Rep. Regina Ongsiako matapos magdesisyon ng taliwas sa una ang Korte Suprema sa pag-diskwalipika ng naturang kongresista dahil sa isyu ng citizenship.
Hindi naman pinangalanan ni Umali kung sino sa mga mahistrado ang napipintong ma-impeach at inaming kailangan pa nitong magkalap ng suporta ng mga kongresista sa Kamara kasama na ang magiging opinyon ni House Speaker Sonny Belmonte.

You May Also Like