PMCJ Nanawagan kay Duterte na Itigil na ang Coal Mining

Ni: Boy Celario

 

HINILING ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil na nito ang coal mining sa bansa, sapagkat nakasisira ito ng kapaligiran at nagbibigay ng sakit sa mamamayan.

Ayon kay Ian Rivera, PMCJ national coordinator, masyadong magastos at nakasisira sa kapaligiran at kalusugan ng publiko ang coal mining.

Mas mainam ang “renewable energy” na siyang gamitin dahil bukod sa mura, hindi pa ito nakapeperwisyo sa kapaligiran at kalusugan ng publiko, paliwanag ni Rivera sa press conference ngayong Miyerkules.

Ang PMCJ ay isa sa mga organisasyong matagal nang nakikibaka upang maisakatuparan sa buong bansa ang paggamit ng renewable energy kapalit ng uling para sa enerhiya ng bansa, tugon ni Rivera.

Inilinaw pa ng aktibista na makatutulong sa pagbabawas ng pagbabago ng klima ang pagpapatigil ng coal mining, kaya nararapat lamang na ipatigil na ng pamahalaan ang coal mining at huwag nang bigyan ng permit ang gustong magbukas ng ganitong negosyo.

Sinimulan nang rebyuhin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng klase ng pagmimina sa bansa, kabilang na itong sa uling, na ang layunin ay matukoy kung sila ay tumatalima sa batas at hindi nakasisira ng kapaligiran, kalikasan, at kalusugan ng publiko.

Ang pagrerebyu na inutos ni DENR Sec. Regina Lopez ay nakabatay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na pagmimina at hindi pagsunod sa pamantayan ng wastong pagmimina.

Idinagdag ni Rivera na bigyan ng alternatibong mapagkakakitaan ang mga manggagawang mawawalan ng hanap-buhay bunga ng pagpapatigil ng coal mining.

Sa datos ng Ibon Foundation, mayroon lamang 250,000 manggagawa sa buong industriya ng pagmimina.

Mahigit 9,000 na ang nawalan ng trabaho makaraang ipatigil ni Lopez ang 10 minahang lumabag sa batas-pagmimina.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like